Ang pinagbibintangang tanga

MINSAN, nagkasalubong ang matalinong propesor at matandang presidente ng homeowners association.

“Prof ako’y tagahanga mo dahil sa iyong talino pero nabawasan ang paghanga ko sa iyo nang mabisto kong hindi pala alam ng anak mo kung alin sa silver at gold ang mas malaki ang value.”

Pag-uwi ni Prof ay agad nitong hinarap ang kanyang anak na nasa senior high school.

“Anak ano ba ang mas mataas ang value: gold or silver?”

“Gold.”

“Eh bakit sabi ng ating village president ay hindi mo raw alam sa dalawa kung alin ang mas mataas ang value?”

“Dad, ganito kasi. Napadaan ako sa umpukan ng matatanda nating ka-village kasama ang ating village president. Tapos tinawag ako. Katuwaan lang daw. Itinanong sa akin kung alin sa dalawang coins ang mas mataas ang halaga: ‘yung silver coin or gold coin? Kung ano ang piliin ko ay sa akin na raw. Dinampot ko ay silver. Tapos nagtawanan sila. Sa loob ng one week, tuwing uuwi ako galing sa school, tinatawag ako ng matatanda at tinatanong ng the same question. At ang lagi kong isinasagot ay silver sabay kuha ng silver coins. Walang sawa silang nagtatawanan tuwing pipiliin ko ang silver.”

“Bakit laging silver ang isinasagot mo?”

“Kasi narinig ko na iisa lang ang gold coin ng village president pero nakita kong marami­ siyang hawak na silver coins. Kung isasagot ko ay yung tamang sagot na gold, tapos na ang delihensiya ko. Samantalang kung ipagpapatuloy ko ang aking pagtanga-tangahan, marami pa akong makukuhang silver coins.’’

Show comments