Pagalingan ng anak
NOONG wala pang pandemic, maraming matatandang lalaki ang dumadayong mag-almusal sa food court ng isang mall. Palibhasa ay mga retirado na sa kanilang mga propesyon, naging libangan na nila ang pagkukuwentuhan tungkol sa iba’t ibang topic habang umiinom ng kape. Minsan ay napag-usapan ng tatlong magkaka-table ang tungkol sa mga anak nilang lalaki.
Sabi ng unang tatay: Ang aking anak ay civil engineer at may-ari ng construction company. Mga malalaking bahay sa mga subdivision ang projects niya. Gumagawa rin sila ng condominium. Sa sobrang successful, balewala lang sa kanya ang magbigay ng libreng condo sa isang kaibigan. Kawawa raw naman at nangungupahan lang ito sa apartment.
Kuwento naman ng pangalawang ama: Ang anak ko ay dating car salesman at sa sobrang galing magbenta nakaipon siya ng puhunan upang magtayo ng sariling tindahan ng mga sasakyan. Nalaman ko lang noong isang araw na isang kaibigan niya ang niregaluhan ng Mercedes, fully loaded pa!
Ang sabi ng ikatlong ama: Ang aking anak ay nakapagpatayo ng tatlong branches ng coffee shop. Hindi na niya makayang asikasuhin ng sabay-sabay ang tatlo kaya ibinigay na lang niya ang isang branch sa kaibigan. Walang ibinayad kahit singkong duling ang kanyang kaibigan, basta’t mangako lang ito na galingan ang pagpapatakbo ng coffee shop.
Isang matandang lalaki na paminsan-minsan lang nilang nakakakuwentuhan ang dumating bitbit ang isang tasang kape.
“Sumali ka sa aming kuwentuhan tungkol sa mga anak. Ilan ba ang anak mo?”
“Isang lalaki lang” sagot ng bagong dating.
Nagpatuloy ito ng pagsasalita pagkatapos humigop ng kape.
“Ang anak ko ay gay. Nagtatrabaho siya sa gay bar bilang dancer. Ako naman ay open minded. Iyon daw ang nagpapasaya sa kanya kaya sabi ko, go! Huwag ka lang magdodroga, bilin ko sa kanya. Mukha namang maganda ang naging kapalaran niya. Ikinuwento niya sa akin na binigyan daw siya ng kanyang mababait na kaibigan ng isang condo unit, Mercedes Benz at negosyong coffee shop. Hayun tinamad nang magsayaw, abala siya ngayon sa pag-aasikaso ng coffee shop.”
- Latest