NAGSIMULANG makilala si Steve Harvey ng mga Pinoy noong naging host siya ng 2015 Miss Universe pageant kung saan maling pangalan ang binasa niya bilang winner. Pangalan ni Miss Colombia ang kanyang binanggit sa halip na pangalan ni Miss Philippines Pia Wurtzbach. Dito nagsimulang maging bukambibig ng mga Pinoy ang kanyang pangalan tuwing itinatanghal ang sikat na Miss Universe pageant.
Si Broderick Stephen “Steve” Harvey ay isang American comedian, television host, producer, radio personality, actor at author ng mga libro. Bago siya maging successful stand-up comedian noong 1985, namuhay siya bilang homeless. Natutulog siya sa kanyang kotse at nakikiligo sa toilet ng gas stations. Sa pagtitiyaga, noong 1990, naging finalist siya sa Second Annual Johnnie Walker National Comedy Search, isang karangalan na nagtulak sa kanya patungo sa kasikatan.
Naging host siya ng The Steve Harvey Morning Show, The Steve Harvey Talk Show, Family Feud, at Little Big Shots. Ang kanyang tagumpay ay hindi lang nagtapos sa screen, naging author din siya ng New York Times Best Seller Act Like a Lady, Think Like a Man at Straight Talk, No Chase.
Bago narating ang nakakalula niyang tagumpay, may malungkot siyang karanasan noong bata pa. Siya ay may malalang problema sa pagsasalita. Nauutal siyang magsalita. Noong siya ay nasa 6th grade, tinatanong sila isa-isa ng kanilang titser kung ano ang gusto nilang maging propesyon paglaki. Ang isinagot ni Steve ay “Gusto ko pong magtrabaho at mapanood sa telebisyon.”
Napangisi ang titser sabay sabing: “Hah! Imposible! Paano ka magiging star sa telebisyon, eh, hayan at utal-utal kang magsalita!”
Sadyang hiniya si Steve ng kanyang titser sa harap ng mga kaklase dahil matagal na itong naiirita sa kanya. Alam ni Steve na utal siyang magsalita pero batid din niyang magaling siyang magpatawa sa mga kaklase. Ang nagiging dating tuloy sa titser nila ay magulo siyang bata na pabibo at nagmamagaling lagi. Kaya’t madalas ay napapatawag ang kanyang ina sa principal’s office. Nagamot ang kanyang pagkautal ng kanilang kapitbahay na nagmamalasakt sa kanya. Pinapraktis siyang magsalita ng kapitbahay. Kapag nagsalita siya ng walang ka-buckle buckle, bibigyan siya ng premyong kendi. Ang tip nito sa kanya: Ulit-ulitin mo muna ng tatlong beses ang iyong sasabihin sa sarili saka mo ito sabihin nang malakas.
Lumipas ang maraming taon, sumikat si Steve sa telebisyon. Sa dami ng kanyang TV shows, araw-araw siyang napapanood sa telebisyon. Simula noon tuwing sasapit ang Pasko, nireregaluhan niya ng bagong TV set ang kanyang 6th grade teacher, with matching short note: “Gusto ko pong makatiyak na mapapanood mo ako araw-araw sa telebisyon.”