Pinakamalaking Rubik’s Cube, matatagpuan sa Hong Kong mall

ISANG mall sa Hong Kong ang nagkamit ng Guinness World Records matapos itayo roon ang isang higanteng Rubik’s Cube.

Kinilala ng Guinness ang Rubik’s Cube ng Nina Mall bilang pinakamalaki sa buong mundo matapos nitong kumpirmahin na nasa 8.2 talampakan ang sukat ng mga tagiliran ng Rubik’s Cube.

Makikita sa video na in-upload ng Guinness kung paano binuo ng isang team ang Rubik’s Cube sa loob ng 1,000 talampakang Nina Mall.

Nang makumpleto ito ay agad namang sinubukan ng mga namamasyal sa nasabing mall ang pag-solve sa dambuhalang Rubik’s Cube, na kailangang pagtulungan ng hindi bababa sa tatlong tao.

Higit na mas malaki ang Rubik’s Cube ng Nina Mall sa dating pinakamalaking Rubik’s Cube sa buong mundo na ginawa ng British puzzle maker na si Tony Fisher, na may sukat lamang na anim na talampakan at pitong pulgada ang mga tagiliran.

Show comments