“BOY Sibak!” ‘Yan ang taguri na ibinigay sa ngayon ng mga Pinoy kay Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar. Kasi nga kapag may pulis na nang-aabuso o gumagawa ng katarantaduhan, wala nang ibang patutunguhan ang mga ito kundi sa kangkungan. Kung sabagay, positibo ang dating nito sa mga kababayan natin dahil todo disiplina talaga si Eleazar sa hanay nila. Walang pinipili. Basta nagkamali, sibak agad!
Sa pagsibak niya ng mga tiwaling tauhan, naipatupad din ni Eleazar ang isang programa ng PNP na tinatawag na internal cleansing. Habang sibak nang sibak si Eleazar ng tiwaling pulis, aba nalilinis na rin ang kanilang hanay. Get’s n’yo mga kosa? Kaya suportado ng mga Pinoy si “Boy Sibak” dahil kalimitan mga sibilyan ang biktima. Mismooooo! Hak hak hak!
Kaya lang kahit panay sibak si PNP chief ng mga tiwaling pulis parang hindi naman nahihinto ang mga kasong kinasasangkutan ng mga ito.
Ang huling sinibak ni Eleazar ay sina Cpl. Sherwin Rebot at Cpl. Harold Mendoza na inakusahang pumatay sa kanilang kabaro na si Cpl. Higinio Wayan, na naka-assign sa Police Seurity and Protection Group (PSPG).
“Ang pagkakasibak sa serbisyo ng dalawang pulis na ito ay patunay na papanagutin natin ang sinumang pulis na lumabag sa batas,” ani Eleazar. “Walang puwang sa PNP ang mga (pulis na) utak kriminal,” ang dagdag pa n’ya.
Pinalabas ni Rebot sa initial investigation na kinuha ni Wayan ang kanyang baril at pinaputukan ang sarili. Ayon kay Mendoza, tulog siya nang mangyari ang insidente. Subalit lumabas sa paraffin test na hindi nagpaputok ng baril si Wayan dahil negatibo siya ng gunpowder nitrate. Isang akusado, si Lorenzo Lapay, ang nagsabing nagbunong braso sina Rebot at Wayan bago mangyari ang putukan.
“May this serve as a warning to all police officers that I will not let this kind of incident pass,” ang giit ni Eleazar. “Dahil lang sa pagsuway sa patakaran na bawal uminom habang naka-duty, humantong ito sa pagpatay ng inyong kabaro.”
Si Rebot ay sinampahan ng kasong murder at illegal possession of firearms and ammunition samantalang si Mendoza ay murder by conspiracy at obstruction of justice. Pinirmahan kaagad ni Eleazar ang dimissal order nina Rebot at Mendoza. Hak hak hak! Goodbye na lang sa P30,867 na basic pay nina Rebot at Mendoza.
Ang ilan pang pulis na sinibak ni Eleazar ay sina S/Sgt. Joel Bunagan at M/Sgt. Hensie Zinampan. Si Bunagan ay dalawang beses natiklo ng Integrity Monitoring and Enforcemeng Group (IMEG) sa pagkikil ng P100,000 sa mga police applicants para walang sabit ang pagpasok nila sa PNP samantalang si Zinampan naman ay nakunan ng video habang binabaril si Lilybeth Valdez, 52, sa Quezon City noong May 31. Siyempre, pinirmahan kaagad ni Eleazar ang dismissal order nina Bunagan at Zinampan na inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS).
Hindi lang naman ang mga sinibak na pulis ang magdurusa rito mga kosa kundi maging ang kanilang pamilya dahil dumilim ang kinabukasan nila sa pagkawala ng malaking suweldo at ibang benefits.
Kaya sa mga kosa ko sa PNP, aba mag-isip muna kayo ng malalim bago gumawa ng katiwalian dahil hindi kayo sasantuhin ni «Boy Sibak.» Mismoooooo! Abangan!