‘Suicide prescription’

MAY isang lalaking nagtagumpay sa pagnenegosyo pero nang marami na ang gumaya sa kanyang ginagawang produkto, lumiit nang lumiit ang kinikita ng kompanya. Ang nagpadagdag pa sa kanyang problema ay ang maluhong pamumuhay ng kanyang asawang socialite na sa halip na tumulong sa pagpapaunlad ng kanilang negosyo, ito pa ang dahilan ng pagkakaroon niya ng malaking utang sa credit card. Kapag pinagsabihan, siya pa ang may ganang maghamon ng divorce.

Ang lalaki ay taga-Netherlands at sa sobrang kawalan ng pag-asa ay nais na niyang magpakamatay. Pero ayaw niya ng masakit na kamatayan kagaya ng paglaslas sa pulso, pagbaril o pag-inom ng lason na tiyak masasaktan ang kanyang lalamunan bago mamatay. Isa pa ayaw niya ng maeskandalong pagpapakamatay. Iyon bang sinadya niyang magpakamatay pero ang magiging dating sa publiko ay namatay siya sa sakit. Ayaw niyang mamatay na magmumukha siyang talunan sa mata ng mapaghusgang publiko.

Sa bansang nabanggit, legal ang physician-assisted suicide or PAS. Lumapit siya sa doktor upang humingi ng payo kung paano magpakamatay na hindi mahahalatang sinadya niyang mamatay. Kaya ito ang payo ng doctor:

“Araw-araw ay tumakbo ka nang walang kasingbilis. Gawin mo ito hanggang sa mamatay ka sa pagod. Hindi na masakit, hindi pa halata na sinadya mong magpakamatay sa pagtakbo.”

Kinabukasan ay sinimulan ng lalaki ang pagtakbo. Nagsimula muna siya sa limang milya. Pag-uwi niya sa bahay, hingal kabayo siya sa pagod kaya’t naging mahimbing ang tulog niya sa kauna-unahang pagkakataon. Paggising niya ay masigla ang katawan niya kaya nadadagdagan ng distansiya ang kanyang tinatakbo. Sa tatlong buwang pagtakbo at himbing sa pagtulog, tila lumakas ang kanyang energy. Binalikan niya ang pagtatrabaho na pansamantala muna niyang iniwan sa kanyang assistant.

Hindi lang energy ang lumakas sa kanya kundi pati ang kanyang intellect. Nakita niya kung saan siya nagkulang sa pamamahala ng negosyo at maraming ideya ang kanyang naisip na solusyon. This time, kinansel na niya ang planong pagpapakamatay. Mas madalas ang kanyang pagtakbo, mas malakas na energy at magandang kalusugan ang kanyang nakamtan. Bunga nito, lalo siyang naging productive at optimistic. Umasenso muli ang kanyang negosyo. Higit sa lahat, hindi sila naghiwalay na mag-asawa, sa halip kusang tumulong sa pamamahala ng negosyo ang kanyang misis.

Show comments