Ex-girlfriend

BIGLANG may pumasok na babae sa aming bahay. Ang aking ama na nakaupo sa salas ay nahalata kong nabigla.

“Kumusta?” bati ng babae.

Kahit nabigla ay nakabawi kaagad ito kaya pakaswal na sinagot ang pangungumusta ng babae.

“Mabuti. O, kailan ka umuwi?”

Nasa sulok ako ng salas dahil nag-aaplay ako ng floorwax. Napatingin ang babae sa akin.

“Ngayon lang. Nakasalubong ko ang misis mo papunta sa palengke at sinabing narito ka nga raw. Dumaan ako para silipin itong bago mong bahay.”

Nagpalinga-linga ang babae na tila isang inspector, bago nagsalita ulit. “Hmm…marami pa palang kulang dito sa bahay mo.” Muli akong tiningnan ng babae.

“Katulong mo?” Ako ang tinutukoy ng babae.

Bigla akong napatayo. ‘Langhiya ang babaing ito, sa loob-loob ko lang. Pinintasan na nga ang bahay namin, tapos, ako naman ang pinagdiskitahan. Ang tatay ko ang nagsalita. Halatang pigil na pigil ang inis.

“Siya ang panganay ko. Sa UST siya nag-aaral. Campus writer ‘yan. Matalino, mana sa akin. Ang mga anak mo, saan nag-aaral?”

Iyon ang paraan ni Tatay para gantihan ang babae sa pagiging “rude” nito.

“A, e, nag-asawa nang maaga kaya hindi na nakapag-college. O, sige naaabala yata kita. Aalis na ako”.

Ang babae ay ex-girlfriend ni Tatay. Kababayan namin siya pero sa ibang probinsiya naninirahan. Nagkataong may dinadalaw ito sa aming neighborhood at nagkita sila ng aking ina. Nang makita sigurong paalis ang aking ina, nagbakasakali itong nagpa-charming sa aking ama kaya pumasok sa aming bahay. Pero minalas, naroon ako.

Matagal siyang naging girlfriend ng aking ama. Hindi ko na inusisa kung bakit sila nagka­hiwalay. Sapat na ang nasilip kong kagaspangan ng ugali ng babae para masagot ang tanong na: Bakit hindi ang babaing iyon ang pinakasalan mo? Kung ba sa movie, trailer pa lang ang nakita ko, paano pa kaya ang kabuuang ugali noong magkarelasyon pa sila?

Show comments