Maaari bang tanggalin ang kasambahay nang walang sapat na dahilan?
Dear Attorney,
Maari bang sisantehin basta-basta ang mga kasambahay? May kamag-anak po kasi akong walang trabaho kaya gusto ko sanang siya na lang manilbihan sa amin at pauwiin ko na lang ang kasalukuyan naming kasambahay. — Marline
Dear Marline,
Nakasaad sa Republic Act No. 10361 ang mga dahilan kung kailan maaring sisantehin ng isang amo ang kanyang kasambahay kahit hindi pa tapos ang kanilang kontrata:
Masamang pag-uugali o pagsuway ng kasambahay sa mga utos na may kinalaman sa kanyang trabaho;
Labis na pagpapabaya ng kasambahay sa kanyang gawain;
Panloloko sa amo ng kasambahay o pagsira nito sa tiwalang ibinigay ng kanyang amo;
Paggawa ng krimen laban sa kanyang amo o alin man sa miyembro ng kanyang pamilya;
Pagsuway ng kasambahay sa kontrata at sa mga pamantayang nakasaad sa batas;
Pagkakaroon ng sakit na makasasama sa kalusugan ng kasambahay o ng kanyang amo at mi-yembro ng pamilya nito;
Iba pang mga kadahilanan na kahalintulad ng mga naunang nabanggit.
Kung makikita mo ay hindi sapat na dahilan ang kagustuhan mong palitan ang iyong kasambahay dahil lamang gusto mong ipalit ang iyong kamag-anak.
Kung itutuloy mo pa rin ang iyong plano, kailangan mong sabihan ang kasambahay ukol dito limang araw bago ang nakatakdang pagpapaalis mo sa kanya.
Kailangan mo ring bayaran nang agaran ang suweldo para sa mga araw na nakapanilbihan na ang kasambahay ngunit siya’y hindi pa nababayaran para sa mga ito.
Bukod sa mga ito, kailangan din na bayaran mo ang kasambahay ng halagang katumbas ng labinlimang (15) araw niyang suweldo. Ito ang daños para sa pinsalang dulot ng basta-basta mong pagpapaalis.
- Latest