‘Singaw’ ng katiwalian, posible bang mawala?

ISA sa pangako ni Presidente Duterte na kinagat ng mga botante ay ang deklarasyong dudurugin niya ang katiwalian sa loob lamang ng anim na buwan. Nang mahalal noong Hunyo 2016, kanyang sinabi na hindi niya kukunsintihin ang whiff of corruption o kahit bahagyang singaw ng katiwalian. Binalaan niya ang Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs at PNP. Lahat tayo’y napalundag sa tuwa. Nakakabilib!

Apat na taon pagkaraan, ano na ang nangyari? Wala na bang singaw man lamang ng katiwalian sa mga ahensiya ng gobyerno? Inimbestigahan noon ng Senado ang sistema ng katiwalian sa Bureau of Customs na kung tawagin ay tara. Hindi lamang ito singaw, kundi isang malaking sunog. Malinis na ba ang Bureau of Customs? May mga naipakulong bang mga opisyales nito?

Sa pamamagitan din ng Senado, nabunyag kamakailan ang malawakang katiwalian sa Philippine Insurance Corporation (PhilHealth). Iniutos na ng Presidente ang masusing imbestigasyon. Dapat lamang, sapagkat ito’y hindi lamang singaw, hindi lamang sunog, kundi isang napaka-laking sunog, sapagkat bilyung-bilyong piso ang nananakaw ng mga mafia at sindikato sa loob ng PhilHealth na gumagamit ng iba’t ibang hokus-pokus na tulad ng rebate, ghost patients at overpricing. Ayon sa isang mataas na opisyal ng PhilHealth, mauubos na ang pondo nito sa 2022. Nakapanlulumo! May mangyayari kaya sa imbestigasyong ito?

Maaari na nating patawarin si Presidente Duterte sa kabiguang matupad ang pangakong wawakasan ang katiwalian sa loob lamang ng anim na buwan. Talaga namang imposible itong mangyari sa gayong kaikling panahon, bagama’t pinaniwalaan ito ng maraming botante. Bigyan na natin siya nang hanggang 2022 na katapusan ng kanyang termino bilang Presidente. Isa ako sa milyun-milyong Pilipinong dumadalangin na magtagumpay siya sa kanyang krusada laban sa katiwalian.  Pero ang malaki pa ring tanong, puwede ba talagang mawala kahit bahagyang singaw ng katiwalian sa gobyerno?

Ang katiwalian ay itinuturing na isa nang kultura rito sa atin. Ibig sabihin, tinatanggap na ito nang marami bilang paraan ng pamumuhay hindi lamang ng nasa gobyerno o pribadong sektor, kundi maging ng karaniwang mamamayan. Halimbawa: ang isang empleyadong nag-uuwi ng ilang pirasong papel o envelope para sa pag-aaral ng anak ay naniniwalang hindi siya nagnanakaw, kundi nagmamalasakit lamang sa anak na nag-aaral. May isang empleyadong nakulong dahil sa pagnanakaw ng P10,000. Isang kapwa empleyado ang nagsabi, “Ang bobo naman, magnanakaw din lang, di pa nilakihan.”

Para masugpo ang katiwalian, hindi lamang ang mga sistema at proseso ng pamamahala ang dapat baguhin, kundi higit sa lahat ang ating “value system.” Napakababa ng pagpapahalaga natin sa karangalan, katapatan at integridad, kumpara sa pagpapahalaga natin sa kayamanan, kapangyarihan at katanyagan. Sa Japan, kapag ang isang opisyal ng gobyerno ay nasangkot kahit sa singaw lamang ng katiwalian, kaagad siyang magbibitiw sa tungkulin.  Dito naman sa atin, bistadung-bistado na, kapit-tuko pa rin sa tungkulin. Hindi kakaunti sa ating mga opisyales ang wala nang kahihiyan o delicadeza.

Hindi na puwede ang patapal-tapal para tuluyang mawasak ang katiwalian. Ang kailangan ay rebolusyong kultural upang mabago ang ating mga pananaw at pinahahalagahan sa buhay.  Mahalaga ang gagampanang papel ng ating Presidente sapagkat siya ang dapat magpakita ng halimbawa ng isang lider na ang buhay ay walang bahagya mang singaw ng katiwalian. 

Show comments