Eduardo, Edilberto at Edgardo
UNTI-UNTI nang iginugupo ng kanyang mga sakit ang matandang lalaking milyonaryo kaya’t hinati niya ang kanyang kayamanan sa tatlong anak na lalaki. Ngunit kailangan muna niyang pag-isipan kung kanino ipapamana ang isang mamaha-ling diamond ring na nagmula pa sa mayaman nitong ninuno. Ipinatawag niya ang tatlong anak.
“Narito ang pera. Gastusin ninyo ito sa isang buwang paglalakbay. Sa panahong iyon ay kailangang may naireport kayong pangyayari kung saan nakagawa kayo ng isang dakilang bagay para sa ibang tao. Pagkaraan ng isang buwan ay narito ang report ng magkakapatid:
Habang nakasakay sa tren ang panganay, napansin niyang naiwan ng kanyang katabi ang leather envelop na nakita niyang nakaipit sa kilikili nito nang sumakay ito. Nagkataong may nakasulat na address at pangalan sa envelop kaya’t kaagad niya itong dinala sa address na nakasulat. Malaki ang pasasalamat ng may-ari dahil doon nakalagay ang perang inutang niya sa banko. Ang pera ay gagamitin sa operasyon ng inang may cancer. Litung-lito noon ang lalaki kaya nakalimutang may bitbit pala siyang envelop.
Ang ikalawang anak ay ibinuwis ang buhay para iligtas ang bata na masasagasaan sana ng jeep.
Malungkot na nag-report ang bunso:
“Papa, wala akong maibibigay sa iyong report dahil wala po akong mairereport na kabayanihan. Tatanggapin ko na po ang aking pagkatalo.”
“Bakit ano ang nangyari?”
“Paalis na sana ako para simulan ang paglalakbay nang makita kong nakahandusay ang isang lalaki sa gitna ng kalsada. Napansin kong may saksak ang lalaki sa tiyan kaya’t isinugod ko ito sa ospital. Kakilala ko po ang lalaki kaya tinawag ko ang kanyang pamilya para sabihin ang nangyari. Natuloy din akong umalis ngunit sa kasamaang palad ay wala akong naranasang kakaiba para sabihing nakagawa ako ng kabayanihan kagaya ng nangyari sa aking mga kapatid.”
Ilang araw na pinag-aralan ng ama ang mga kuwento ng tatlo niyang anak at saka ibinaba ang kanyang desisyon: Ang diamond ring ay ibibigay ko kay Edilberto!
(Itutuloy)
- Latest