Baka kailangan na natin ng bagong matitirhang planeta

ISANG pandaigdigang programang tinatawag na artemis ang kasalukuyang  isinusulong ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng United States, mga commercial spaceflight companies na kakontrata ng NASA, European Space Agency, Japan Aerospace Exploration Agency, Canadian Space Agency at  Australian Space Agency (ASA). Layunin nito na makapagpadala ng unang babae at susunod na lalaking astronaut sa buwan at makapagtayo ng base ng tao roon.

Bagaman nangunguna rito ang US, nais ng NASA na makatulong dito ang ibang mga bansa para maging tuluy-tuloy na ang presensiya ng sangkatauhan sa buwan.  Bibigyan din ng pagkakataon ang ibang mga bansa na makapagpadala ng sarili nilang astronaut sa buwan. Hangarin din dito na ang parang base o kolonya ng tao sa buwan ay maging base sa pagtungo sa Mars.

Walang linaw kung bakit wala sa listahan ng napaulat na mga partner sa naturang mission ang China lalo na ang Russia na matagal nang partner ng US sa International Space Station at maging ang India na meron ding mga sariling space agency. Pero tutol umano ang space agency ng Russia sa naturang Artemis program dahil wala raw itong pinag-iba sa pananakop (ng US) sa Iraq at Afghanistan.

Gayunman, matagal nang niluluto ang Artemis program na ito bago pa man sumingaw ang COVID-19 na sumasalanta sa maraming bansa sa mundo sa kasalukuyan. Maaaring maisip na problema ng malalaki, mauunlad at mayayamang bansang may kakayahang maglakbay sa kalawakan ang pagpunta sa buwan pero, dahil isa itong siyensiya, puwedeng asahan na sana ay makinabang din dito ang mga mahihirap na bansa. Sana nga hindi maiwan sa mga ganitong kaganapan sa space exploration ang maliliit at underdeveloped na mga bansa.

Kung maiiisip natin ang mga pandemyang pana-panahong nananalasa sa mundo tulad ng coronavirus, pollution, global warming, giyera, kalamidad, kahirapan, banta nang malalaking asteroid na maaaring sumalpok sa mundo at posibilidad na pagsalakay ng “alien”, baka nga kailangan ng sangkatauhan ng bagong planetang matitirhan.

Hindi na bago ang konsepto ng pagtira ng tao sa ibang planeta. Matagal na itong pinag-aaralan at isinusulong ng maraming dalubhasa sa agham. Marami nga lang problema rito na hinahanapan ng solusyon tulad ng mga panganib sa mahabang paglalakbay sa kalawakan at kung saang planeta angkop na tumira ang tao.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

Show comments