‘Prenup’

NOONG una’y inakala kong masuwerte siya sa kanyang boyfriend. Kasi mayaman na sila, mayaman pa rin ang mapapangasawa na taga-ibang probinsiya. Isang buwan bago ang kasalan, may ipinadalang papeles sa kanya ang family lawyer ng kanyang boyfriend. Prenuptial agreement daw iyon.

Nakasaad sa papeles na pinapipirmahan sa kanya: Kapag kasal na sila ng kanyang boyfriend, payag siyang hindi maki­hati sa mamanahin, kinita at nabiling ari-arian noong binata pa ito.

May iba pang sinasabi sa papeles ngunit hindi na nito tinapos ang pagbabasa. Nagsimula nang magsakitan ang kanyang ulo. Lumakas ang tibok ng kanyang dibdib. Naglaro sa isip niya ang mga katanungan.

Bago pa lang silang bubuo ng pamilya, pagtutuos na agad ang inaatupag na kanyang boyfriend? Paano na kung kasal na sila? Baka “magkuwentahan” na lang ng mga nagastos­ ang kanilang gawin  sa araw-araw. Kaninong pera ang ginamit sa food expenses o sino ang mas malaking kumita. Pera na lang ang magiging topic nila.

Sa kanilang bayan, ang tawag doon ay “matuos o mahilig magkuwenta”. Kapag tinawag kang taong matuos, katumbas na iyon ng pagiging makasarili o maramot. Mayaman din naman sila pero hindi pumasok sa isip niya na pagdating ng araw ay makikihati ang kanyang boyfriend sa kanyang mamanahin. Kasi “pure love” ang nadarama niya sa boyfriend. Pero sa mismong oras na iyon, nagdududa na siya sa kanyang nadarama.

Pagkatapos mag-isip ng tatlong araw, tinawagan niya ang boyfriend na uurong na siya sa kasal. Nagtangka ang boyfriend na suyuin siya pero matigas siya sa naging desisyon.

Matagal na panahon ang pinalipas niya bago siya muling umibig. Mayaman ang kanyang napangasawa, mas mayaman pa sa kanyang ex-boyfriend pero hindi nito naisipang papir­mahin siya sa prenuptial agreement.

Show comments