Dear Attorney,
Nagpautang po ako sa aking kaibigan ng P100,000 noong 2014. Noong una po ay sinusubukan ko pa siyang singilin ngunit dahil wala rin namang kinahihinatnan ang pangungulit ko at sa dami ng inaasikaso ko sa aking negosyo, tumigil na rin ako. Maaari pa po ba akong magsampa ng kaso upang mabawi ang ipinautang ko kahit may katagalan na ang utang niya sa akin? -- Merly
Dear Merly,
Hindi mo nabanggit kung may naging kasulatan ba kayo ng kasunduan n’yo ng pagpapautang mo sa kanya. Nakabatay kasi sa pagkakaroon ng isang kasulatan o written contract kung makakapagsampa ka pa ng kaso upang makolekta mo ang utang sa iyo ng iyong kaibigan.
Kung mayroong kasulatan ang inyong naging kasunduan tungkol sa pagpapautang mo sa kanya ay maaari ka pang magsampa ng kaso alinsunod sa Article 1144 ng Civil Code na nagbibigay sa mga partido sa isang written contract ng sampung taong prescriptive period o panahon upang makapagsampa ng kaso.
Kung wala namang naging kasulatan ukol sa iyong pagpapautang, mukhang hindi ka na makakapagsampa ng civil case upang mabawi mo ang iyong ipinautang. Ayon kasi sa Article 1145 ng Civil Code, mayroon lamang anim na taon upang makapagsampa ng isang kaso ukol sa isang oral contract o kasunduang hindi nakasulat at pulos usap lang. Nabanggit mo na noong 2014 ka pa nagpautang kaya maaring paso na o malapit nang mapaso ang karapatan mong magdemanda ngayong 2020.
Nais ko lamang bigyang-diin na ang Article 1145 ay para lamang sa mga civil case. Kung may kasamang panloloko ang hindi pagbabayad ng utang sa iyo ay maari ka namang magsampa ng kasong kriminal katulad ng estafa na may prescriptive period na aabot ng hanggang 15 taon.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.