Mister ng gurong nagreklamo, kinastigo!

KUNG pangangaliwa at pagloloko ng mga asawa ang pag-uusapan, hindi BITAG ang tamang sumbungan. Bukod kasi sa hindi kami eksperto sa ganitong problema, maikli ang pisi ko sa mga mister na pasaway na, palikero pa.

Pero kung naglaan ng panahon at oras para pumila sa tanggapan ng BITAG, pagla-laanan ko rin ng atensiyon na makinig at magpayo. 

Isang guro ang naghintay ng mahabang oras para makausap ako. Gusto raw niyang ireklamo ang kanyang mister na isang overseas Filipino worker (OFW). Paano ba naman, babaero na, nilapastangan pa siya. Ilang beses na raw niyang pinatawad sa pambababae ang mister pero hindi ito nagbago.

Bilang guro raw ay nakita niya ang epekto sa mga estudyante niya na kabilang sa broken fa­mily. Ayaw daw niyang mangyari ito sa mga anak kaya binibigyan niya ng pagkakataong magbago sana si Mister.

Pero etong nagpakilalang kabit daw ng kaniyang mister sa ibang bansa, malala at sobrang kapal ng mukha. Ang litrato kasi ng guro habang nagpapa-breast feed sa anak habang labas ang kanyang dibdib, ipinost at ikinalat sa kanyang mga co-teachers sa Facebook. Ang mister niya raw ang kumuha ng litrato’t hindi niya ito alam. Hindi niya sukat akalain na isi-share pa sa kanyang kabit sa abroad.

Ang hagulgol ng guro, dahil pakiramdam niya, trinaydor na siya ng mister ay tinanggalan pa siya nito ng moral. Talagang naawa ako’t umiral ang pagka-topak ko. Hiling niya lang sa akin, kausapin ko ang salawahang mister at kabit nito. Gusto na raw niyang matigil ang pagwawalanghiya sa kanya.

Pinagbigyan ko ang hiling ng guro, sa kabilang linya ay tigas ang pagtanggi ng kolokoy habang kinakastigo ko. Good boy daw naman siya at mahal na mahal niya ang kanyang asawa. Umamin naman itong siya nga ang kumuha ng litrato ni misis pero hindi niya raw alam paano ito napunta sa iba. Nahiya pang sabihin ang kumag kung sinong iba ang tinutukoy niya.

Simpleng mensahe lang ipinarating ko sa mister. Mangako siya sa kanyang misis na magpakatino kung hindi, dalawa sila ng kabit niyang pa-projekin ko.

Walang matinong lalaki ang tatapak sa dignidad ng kababaihan. Kung may nanay ka, lola, at mga babaing kapatid, hindi papasok sa utak mo ang mambastos ng babae lalo na kung malapit sa’yo.

Ang BITAG Pambansang Sumbungan, hindi nga eksperto sa mga ganitong klaseng reklamo. Pero hindi rin namin binabalewala ang ganitong sumbong. Prayoridad ng aming adbokasiya ang kapakanan ng mga niloko, inabuso, winalangya’t sinaktan. Lalo na ang mga kababaihan at kabataan.

 

Show comments