SUNUD-SUNOD ang pagpatay sa mga mamamahayag. Noong nakaraang linggo, isang mamamahayag na naman ang pinatay. Minamaneho ng broadcaster na si Dindo Generoso ang kanyang sasakyan pauwi nang pagbabarilin ng riding-in-tandem. Namatay si Generoso, isang blocktimer sa radio station dyEM sa Dumaguete dahil sa walong tama ng bala sa katawan. Si Generoso ang ikatlong mamamahayag na napatay sa ilalim ng Duterte administration.
Noong nakaraang Oktubre 20, pinatay si Jupiter Gonzales, kolumnista ng pahayagang Remate. Pinagbabaril si Gonzales at kaibigan nito habang lulan ng sasakyan sa Pampanga. Noong 2017, pinatay ang kolumnista na si Joaquin Briones.
Sa panahon ni Pres. Noynoy Aquino (2010-2016) umabot sa 38 mamamahayag ang pinatay. Mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 182 mamamahayag ang pinatay. Pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 30 mamamahayag ang pinatay na may kaugnayan sa election. Hanggang ngayon wala pang resolusyon ang Maguindanao massacre at iniurong pa ang paghahatol.
Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ) na nakabase sa New York, ikalima ang Pilipinas sa mga pinaka-mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Somalia, ikalawa ang Syria, ikatlo ang Iraq at ikaapat ang Pakistan. Ayon pa sa CPJ, ang Pilipinas ang may pinakamaraming bilang ng mga pinatay na mamamahayag na hindi pa nalulutas, 41, at sinundan ng Mexico, 30.
Parang mga manok lamang kung patayin ang mga mamamahayag sa bansang ito at masakit isipin na walang ginagawa ang pamahalaan upang sila ay maprotektahan.
Sa nalalabing termino ni Duterte, umaasa ang mga mamamahayag na ganap silang mapuprotektahan at matitigil na ang mga pagpatay. Atasan sana ng pamahalaan ang pambansang pulisya na hanapin ang mga killer at “utak” sa pagpatay ng mga mamamahayag.