Gusto mong umabot sa edad na 85 pataas?

ANG optimism, ayon sa mga diksyunaryo, ay pakiramdam na umaasa at may kumpiyansa sa hinaharap o tagumpay na ibubunga ng isang bagay.  Isa itong tendensiya na tignan ang mas paborableng panig ng mga pangyayari at umasa sa mas magandang resulta. Isa rin itong paniniwala na ang kabutihan ay mangingibabaw pa rin sa kasamaan. Isa ring paniniwala na lumalaganap sa realidad ang kabutihan. Isa rin itong doktrina na ang nabubuhay na mundo ngayon ang pinakamahusay  sa lahat ng posibleng mundo.

Kaugnay nito, sinasabi sa isang pag-aaral na nalathala sa Proceeding of the National Academy of Sciences na ang optimism o pagiging optimistiko ay maaaring isa sa sekreto para mabuhay nang lampas sa edad na 85-anyos ang isang tao.  Maling attitude ang maging negatibo hinggil sa pagtanda. Ayon pa sa pag-aaral, maaaring konektado sa 11 hanggang 15 porsiyentong paghaba ng buhay ang optimism.

Ipinahiwatig din sa pag-aaral na ang optimism ay maaaring isang mahalagang psycho-social resource sa pagpapahaba ng buhay ng mga mas matatandang adult.

Ipinaliwanag ng mga awtor ng pag-aaral na inireport ng mga naunang pag-aaral na, kung mas higit na optimistiko ang isang tao, nababawasan ang tsansang magkaroon siya ng chronic disease at mamatay nang maaga.  Gayunman, sinabi ng lead author ng pag-aaral na si Lewina Lee ng Boston University School of Medicine na hindi malinaw kung bakit kunektado ang optimism sa mas mahabang buhay. Sa kanilang pag-aaral, bahagyang salik kung bakit nakakapagpahaba ng buhay ang pagiging optimistiko ay ang malusog na pag-uugali, kokonting depressive symptom at mas maraming social ties.  Maaari anyang may iba pang dahilan na kasama na kung paanong natutulungan ng optimism ang mga tao na makaangkop sa stress.

Ayon sa Live Science, lumabas sa pag-aaral na ang mga taong nagsasabing meron silang mataas na level ng optimism ay 50 hanggang 70 porsiyentong mas malamang na mabubuhay hanggang 85 anyos o higit pa kumpara sa mga hindi optimistiko.

Isang inihahalimbawa ng mga eksperto kung paano maging higit na optimistiko ang matutuhan ang pagpapasalamat. Tuwing gigising sa umaga, isipin ang tatlong bagay na maipagpapasalamat mo. Ipinapayo rin nila ang pakikipag-bonding sa pamilya o mga kaibigan gaya ng sa mga matagal mo nang hindi nakikita. Isang top predictor ng kaligayahan ang pagkakaroon ng social connection.

Email: rbernardo2001@hotmail.com

Show comments