EDITORYAL - ‘Malaking kubeta’ sa paligid ng Manila City Hall

NATATANAW na pala ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso mula sa kanyang opisina ang karumihan sa paligid ng city hall. Nang inspeksiyunin niya ito noong Miyerkules, hindi lang niya basta nakita kundi naramdaman at naamoy pa nang matapakan ang ebak na nasa mismong Bonifacio Shrine. Yakkk!

Nagalit na si Isko at agad iniutos na sibakin si Police Lt. Rohwel Robles, head ng Manila Police District (MPD) Lawton police community precinct na may hurisdiksiyon sa area.

Nadismaya si Isko sapagkat ginawang kubeta ang monumento ni Bonifacio. Nagkalat ang ebak sa kung saan-saan. Umano’y mga taong grasa, rugby boys at iba pang palaboy ang dumudumi sa shrine. At sa tagal ng panahon na ginagawang kubeta ang lugar, walang ginawa ang police commander na si Robles para mapigilan ang pagdumi at iba pang pagkakalat sa lugar. Walang silbi ang police official na nagpapalamig sa kanyang airconditioned na opisina sa Lawton.

Hindi lamang ang mga ebak sa paligid ng Manila City Hall ang pinalinis ni Isko kundi maging ang illegal stalls na malapit sa Universidad de Manila at LRT Station.

Nililinis na ang Maynila at marami ang umaasa na magpapatuloy ang paglilinis na ito hanggang sa wakas. Nagsasawa na ang Manileño sa ningas-kugon na ugali na nakita sa mga nakaraang namuno sa lungsod. Nag-karoon din ng kampanya sa mga nakaraan pero makalipas ang isang buwan, balik na sa dati at lumubha pa.

Kung ang ipinakita sa simula ay ang katapangan para mabago at maging malinis ang lungsod, huwag nang magbabago at ipagpatuloy ang nasimulan. Kapag naisakatuparan ito, tiyak na hindi makakalimutan ng mamamayan lalo ang Manileño ang mga nagawa at laging maaalala at sasambitin ang pangalan. Kahit kailan walang makakapalit sa pinunong nag-alay ng sarili para mapaganda at mapaunlad ang nasasakupan.

 

Show comments