Rubik’s Cube, na-solve ng robot ng wala pang 1 segundo

ISANG robot na dinebelop ng mga estudyante mula sa Massachusetts Institute of Technology (MIT) na sina Ben Katz and Jared Di Carlo ang nakapagtala ng bagong world record para sa pag-solve ng Rubik’s Cube.

Sinimulan nila ang proyekto nang mapanood nila ang robot na nagtala ng dating world record at naisip nilang kaya nilang gumawa ng robot na mas mabilis pang makakapag-solve ng Rubik’s Cube.

Nilagyan nila ng motor ang bawat panig ng Rubik’s Cube. Tinutukan din nila ang bawat isa sa mga ito ng webcam upang “mabasa” ng robot kung ano ang pagkakaayos ng mga kulay nito. Mula sa impormasyong ito, gagawa ng solusyon ang robot base sa software na taglay nito.

Matagumpay naman ang proyekto nina Katz at Di Carlo dahil nagawang i-solve ng kanilang robot ang Rubik’s Cube sa loob lamang ng .38 segundo.

Natalo nito ang dating .637 segundo na world record para sa mga robot. Sinasabi ring walang tao ang makakapantay sa bilis na ito lalo na’t ang world record para sa pinakamabilis na pag-solve ng Rubik’s Cube ng isang tao ay nasa 4.22 segundo lamang.

Show comments