NA-RESCUE ng mga manggagawa sa isang oil rig sa Gulf of Thailand ang isang aso na namataan nilang palanguy-langoy sa kabila ng higit 200 kilometrong layo nila mula sa baybayin.
Tinawag ng mga oil rig workers ang pansin ng aso, na tingin nila ay hirap nang lumangoy sa puntong iyon. Nakita naman sila ng aso kaya kusa na itong sumampa sa ibabang bahagi ng oil rig.
Sinagip ng mga manggagawa ang aso na kinupkop nila ng dalawang araw sa oil rig bago nagkaroon ng bangkang maghahatid sa kanya papuntang Songkhla, Thailand.
Dinala naman ang aso sa isang beterinaryo nitong nakaraang Linggo.
Umaasa naman ang isa sa manggagawa sa oil rig na kumupkop sa aso na maari niyang ampunin ito sakaling hindi magpakita ang amo nito.
Wala namang nakaaalam kung paanong napadpad sa gitna ng karagatan ang aso, na maari raw na nahulog sa bangka kaya ito na-stranded sa tubig.