71-anyos na cancer survivor, nakapagtala ng world record sa ‘planking’

ISANG senior citizen na kakagaling lang mula sa pagpapagaling mula sa cancer ang nakapagtala ng bagong world record para sa planking.

Ni hindi nga alam ng 71-anyos na si Andy Steinfeldt kung ano ang planking noong una ngunit ngayon ay may hawak na siyang Guinness World Record para sa nasabing exercise.

Nagsimula ang lahat nang sumali si Steinfeldt sa isang gym at isinailalim siya sa iba’t ibang ehersisyo upang masubok kung kakayanin ba niya ang paggamit sa mga gym equipment.

Ang isa sa mga ipinagawa sa kanyang aktibidad ay ang planking o ang pagdapa ng matagal habang ang katawan niya ay nakaangat at sinusuportahan lamang ng kanyang mga paa at siko.

Tatlumpung segundo lang niya kailangang manatili sa nasabing posisyon ngunit sa huli ay tumagal ang pag-planking niya ng 10 minuto bago siya pahintuin ng mga opisyal ng gym.

Noong isang taon ay nagawa niyang tumagal ng 35 minuto bilang bahagi ng selebrasyon ng kanyang ika-70 kaarawan.

At ngayong 71-anyos na siya, naitala niya ang bagong world record na 38 minutong pagpa-planking.

Buong pagmamalaki pa ni Steinfeldt na baka mas matagal pa raw ang naitala niyang world record kung hindi lang siya sumailalim sa nakapanghihinang cancer treatment.

Balak daw niyang higitan pa ang kanyang sariling world record sa kanyang susunod na kaarawan.

 

Show comments