‘The Law of the Garbage Truck’

MINSAN ang taksing sinasakyan naming mag-ina ay muntik nang makabangga ng isang Mercedes Benz dahil ginitgit ang taksi ng rumaragasang delivery van. Sa pag-iwas ng taksi sa delivery van ay muntik na nitong mabangga ang mamahaling kotse.

Mabilis na tumakas ang delivery van kaya ang driver ng taksi ang minura ng driver ng Mercedes. Ang tanging nasabi ng driver ng taksi ay “Pasensiya na brod, kita mo naman, ginitgit lang ako…”

“Put…ina ninyo!” ang sagot ng driver ng Mercedes at pinatakbo na ang sasakyan. Narinig kong bumulong ang driver ng taksi. “God bless you”.

Naalaala ko ang isang kuwento na nabasa ko. May title itong “The Law of the Garbage Truck”. Ang tao raw ay kahalintulad ng trak ng basura. Nabubuhay ito sa araw-araw na puno ng basura—galit, frustration, disappointment, etc. Dahil puno na, ibinubunton nila ang galit sa ibang tao. At iyon ang ating iingatan—maging tagasalo ng kanilang basura.

Tama lang ang naging attitude ng taxi driver. Kung pinatulan niya ang pang-aaway ng Mercedes Benz driver, para na rin niyang sinalo ang basura ng kapwa driver. Kung galit sila sa mundo, sila na lang ang magpakagalit. Isaksak nila sa baga ang sarili nilang galit !

Ang sekreto raw ng mga matagumpay na tao ay hindi nila hinahayaang maging trak sila ng basura o maging tagasalo ng basura ng ibang tao. Mahalin ang mga taong tinatrato tayo nang maayos at ipagdasal na lang ang mga taong gumagawa sa atin ng masama. Mas mainam iyon kaysa patulan sila.

Show comments