DAAN-DAANG Marilyn Monroe impersonators ang nagtala ng bagong world record sa Adelaide, Australia upang makalikom ng donasyon para sa cancer research.
Ayon sa mga nag-organisa ng pagtitipon, nasa 270 katao, kabilang pati ang mga lalaki, ang pumorma ng katulad sa Hollywood icon. Sapat ang naging bilang nila kaya nagpasya ang Guinness World Records na gumawa ng bagong world record category para sa pinakamadaming tao na naka-costume na Marilyn Monroe sa iisang lokasyon.
Ang lahat nang dumalo ay nagsuot ng sikat na puting damit ni Monroe, kasabay ng kanyang wig, makeup at ng kanyang katangi-tanging nunal.
Sa dami ng dumalo para sa world record attempt ay kinailangan nang tanggihan ng mga organizer ang ibang gusto pang lumahok matapos silang maubusan ng wig na ipasusuot sa mga tao.
Hindi lamang pagtatala ng world record ang layunin ng pagtitipon dahil pakay rin ng mga organisers na makalikom ng donasyon para sa Cancer Council ng South Australia, na nagsasagawa ng pag-aaral sa mga maaring lunas sa cancer.
Nasa $65,000 na ang nalilikom ng organisers at inaasahang maaabot nila ang $100,000 nilang target.