ITO’Y isang all points bulletin na aming iniisyu para matugis ang dalawang indibidwal na sangkot sa hit-and-run.
Isang emosyonal na ina ang lumapit sa aming action center para humingi ng hustisya sa sinapit ng anak na lalaki. Madaling araw nang maaksidente habang nagmomotor sa Commonwealth Avenue. Sapol sa dash cam ang pag-overtake ng isa pang motor na may backride. Sinipa ang biktima at pumailalim sa kasaba-yang truck. Hindi na umabot sa ospital ang pobre.
Base sa video, talagang sinadya ng mga lintek ang kanilang kagaguhan. Tuloy lang sa pagharurot na parang walang nangyari. Tumakas at iniwan lang na nakahandusay sa kalsada ang lalaki. Ang problema, hirap ang otoridad ma-identify ang dalawang sakay ng motorsiklo. Hindi rin naplakahan ang motorsiklong ginamit.
Nananawagan ang ina sa anumang impormasyon para makausad ang kanilang kaso. Sa kasalukuyan, wala pang lead ang otoridad sa pagkakakilanlan ng dalawa.
Kaya kami’y nananawagan sa publiko na maaaring nakakakilala sa kanila. Baka residente ito sa inyong barangay, posibleng inyo pang kapitbahay. Posibleng nagtatago na sila sa malalayong probinsiya. Listo kayo sa mga bagong mukha na naglilitawan diyan sa inyong lugar. Baka utak-kriminal na ang nakikisalamuha sa inyo at pamilya.
Hindi gawain ng matinong tao ito. Nakakalungkot pero kami’y umaasa at maghihintay ng kung anong impormasyong inyong mabibigay. Baka sakaling makita ninyo, ipagbigay-alam agad sa BITAG Kilos Pronto.
Uploaded sa aming Youtube Channel na BITAG Official ang segment; share the video para mapadali ang pagtugis at paghanap ng hustisya.
Napakasakit mawalan ng anak, lalo na kapag hindi natural ang sanhi ng pagkamatay. Para kang sinakluban ng langit at lupa. Walang magulang ang dapat makaranas ng inhustisyang ito. Paliitin natin ang mundong kanilang ginagalawan. Magtulungan tayong ma-bitag ang mga demonyong ito.