MGA boss, kung kayo’y nakagawa ng kasalanan o atraso, huwag kayong tatakbo sa inyong responsibilidad. Huwag ka-yong magdadahilan at ‘wag niyong pagtatakpan ang nagawang kamalian.
Totoo naman na natural magkamali ang isang tao dahil hindi naman tayo perpekto. Pero hindi dapat maging excuse ito para hindi gampanan ang anumang pananagutan.
Natututo at bumubuti ang isang tao sa kanyang pagkakamali. Hindi na nauulit ang pagkakamali dahil alam na ang tama, o kaya naman ay natatakot nang mapagalitan.
Tulad ng isang truck driver na lumapit sa amin bago magtapos ang 2018. Problemado siya matapos makaaksidente sa trabaho.
Sakit ng ulo niya matapos maibangga ang minamanehong truck. Katakut-takot na P1.2 million ang halaga ng pinsala. Saan niya kukunin ang halagang iyon?
Aniya, ginawa na siyang boy ng kanyang amo mabayaran lang ang danyos. Pinagbabantaan pa raw siyang dadalhin sa Marawi para iwan at patayin kaya iniwan niya ang minamanehong truck sa Davao at kumuha ng P2,000 nang hindi na nagpaalam.
Bilang kami’y balanse, kinuha namin ang panig ng kanyang amo. Ang nangyari pala, may iba pang mga kaso ang complainant.
Pinakiusapan namin kung puwedeng pang bumalik sa kanya ang pobre. Wala naman siyang reklamo. Babawasan na lang nang pakonti-konti tuwing suweldo… in short, hindi siya gigipitin.
Insured naman daw kasi ang truck kaya hindi milyones ang kailangan paghirapan ng nagre-reklamo. Pakiusap lang niya, ‘wag naman sana siyang takasan.
Tama naman ang estilo niya. Nakitaan ko ng puso itong employer niya at willing magbigay ng konsiderasyon.
Marami ang hindi alam na kaakibat ng salitang pananagutan ang responsibilidad. Hindi ito natututunan sa eskulewalahan.
Ang isang taong pinagkakatiwalaan, dapat marunong tumanggap ng responsibilidad sa kanyang kamalian. At may lakas ng loob, pagpapakumbaba, at sinseridad na umamin at humingi ng paumanhin.