Pasko rin ng cholesterol-rich foods (Last part)

TUWING Pasko at Bagong Taon, may overload tayo ng masasarap na pagkain. Ang drawback nito, nagtataasan din ang ating blood cholesterol level. Pero hindi kailangang magsimula agad uminom ng gamot kontra-cholesterol kapag natuklasang medyo tumataas ang ating blood cholesterol level. Makabubu-ting tingnan muna natin ang mga kinakain natin sa araw-araw. Doon tayo magbawas ng mga pagkaing mayaman sa cholesterol.

 

Narinig na natin ang mga payong ganito para mapababa ang level ng cholesterol sa katawan: pagkain nang maraming gulay, prutas, at whole grains kaysa sa karne at mga bakery products; pagkain ng karneng manok na walang balat; at pag-inom ng gatas na klasipikadong low-fat o skim milk. Tingnan ang cholesterol content ng mga sumusunod na pagkain:

Karneng baka, baboy at lamb. Tinatawag nating “red meat” ang mga karneng ito sapagkat mapula naman talaga ang kanilang karne. At hindi tayo dapat kumain nang marami nito. Mataas din kasi ang taglay nitong kolesterol. Pero dahil hindi naman tayo makaiiwas dito, maging maingat na lamang tayo sa paghahanda nito. Hangga’t posible, tanggalin na natin ang mga nakadugtong ditong taba. Mas mainam na purong karne na lamang ang kainin. Huwag nang panghinayangan pa ang taba. Ihiwalay na agad ang taba bago pa ito iluto para hindi na mapahalo sa sabaw ang ilang natunaw na taba.

Mga karneng processed. Ito ‘yung mga karneng sumailaim sa ilang proseso bago ihanda. Halimbawa nito ay ang sausage, hotdogs, salami, bologna, tocino, at longganisa. Ang star ng Noche Buena na hamon ay kasama rin sa processed meat!  Tinatayang 70-80% ng taglay nitong calories ay mula sa fat. Huwag din tayong magpalinlang sapagkat kahit ‘yung mga processed meats na may nakasulat na “reduced fat” ay mataas pa rin sa calories at saturated fat. Hangga’t posible, paminsan-minsan lamang kainin ang mga ganitong pagkain.

Mga pagkaing de-lata. Nagtataglay ito nang maraming preservatives at asin para hindi ito mabulok. Kung iisipin, kahit isang taon pa sa loob ng lata ay hindi nabubulok o nasisira ang pagkain. Patunay lamang na mataas nga ang taglay nitong asin/nitrates. Paminsan-minsan lamang kainin ang mga pagkaing de-lata. Piliin ang pagkaing sariwa kaysa mga de-lata.

Karneng manok. Tinatawag nating “white meat” ang karneng manok at turkey. Ang karne ng manok at pabo ay mas healthy kaysa sa manok ng bibe at gansa dahil mas mataas ang fat content ng mga ito. Kung pagkukumparahin, mas mainam pa rin ang karne ng manok at pabo kaysa sa kaneng baka at baboy. Paalala lamang na tanggalin ang balat ng manok sapagkat dito nakaimbak ang taba ng manok. Laya lang paano na ang masarap na balat sa pritong manok at litsong manok?.

Mga pagkaing lamanloob. Tayong mga Pinoy ay mahilig sa mga pagkain ng lamanloob gaya ng bopis, dinuguan/tinumis, papaitan, goto. Tiyak na kasama rin ito sa handaan at pati sa pulutan ngayong Kapaskuhan. Pero ang mga lamanloob na ito ay karaniwang nagtataglay ng mataas na cholesterol. Kung gustong pababain ang level ng inyong cholesterol sa katawan, huwag dalasan ang pagkain ng mga lamanloob.

Karneng isda. Mataas ang taglay nitong omega-3 fatty acids. Sa lahat nang nabanggit ay ito ay pinaka-okey na karne. Pero bihira ang naghahanda ng isda tuwing Pasko’t Bagong Taon. Bagama’t isda, hindi nangangahulugang wala itong taglay na kolesterol. Meron din ito pero pinakamababa ang taglay nitong saturated fat. Gawin itong bahagi ng iyong pagkain sa araw-araw. Tungkol sa epekto ng “fish oil”, pinag-aaralan pa ito ng mga experts kung talagang nakapagpapababa ito ng kolesterol.  

Show comments