Mamahaling sasakyan, binayaran ng lalaki ng isang toneladang barya

NAGKAGULO kamakailan sa isang dealership ng mga sasakyan sa China matapos dumating ang isang lalaki na may dalang isang toneladang barya sa kanyang truck upang ipambili ng isang mamahaling kotse.

Hindi na kinilala ang lalaki, na matagal na nag-ipon ng mga barya mula sa kanyang kinikita bilang bus driver. Inipon niya ang mga barya para sa panga­rap niyang makabili ng mamahaling sasakyan balang araw.

Nagpasya siyang ipambili na ang kulang-kulang na isang toneladang mga barya nang makita niya ang kanyang dream car na BMW na nagkakahalaga ng 480,000 yuan (katumbas ng P3.8 milyon).

Kinailangan pa ng lalaki ang tulong ng kanyang mga kaibigan nang maalala niyang hindi pa pala niya nabibilang ang halaga ng mga baryang kanyang naipon.

Inabot ng apat na araw ang lalaki at ang kanyang mga kaibigan sa pagbibilang at pagkatapos nito ay isinakay nila sa isang pick-up truck ang mga barya upang dalhin sa dealer ng sasakyan na kanyang nais bilhin.

Noong una ay nakangiti pa ang mga staff ng dealership nang malaman nilang gustong bilhin ng lalaki ang isa sa kanilang mamahaling sasakyan ngunit napawi rin ang ngiti nila nang malaman nilang balak silang bayaran ng sangkatutak na barya.

Nagpatulong pa ang mga staff sa isang banko para bilangin ang nasa 150,000 na mga barya, na napag-alamang nasa 900 kilo lahat ang bigat matapos ang 10 oras na pagbibilang.

Show comments