26,934 na lubak sa kalsada ng Mumbai
GUSTO ng isang grupo ng mga concerned citizens sa Mumbai, India na makapagtala ng bagong world record ang kanilang siyudad upang mabigyan naman ng pansin ng mga kinauukulan ang isa sa pinakamalalang problema na kinakaharap nito.
Layunin ng grupo na makilala ang kanilang siyudad na pinakamalubak sa buong mundo kaya naman isa-isa nilang binilang ang mga lubak sa mga lansangan ng Mumbai.
Noong una ay target lamang nilang makapagbilang ng hindi bababa sa 20,000 lubak upang masigurado nila na makakapasok ang Mumbai sa world record books ngunit laking gulat nila ng higit pa sa nasabing bilang ang kanilang naitala.
Nadiskubre kasi nilang nasa 26,934 pala ang mga lubak sa kanilang siyudad at nais nilang maitala ito sa iba’t ibang record books upang mapahiya at mabigyan ng pansin ang kinauukulan sa kanilang lugar.
Upang mabilang ang lahat ng lubak sa Mumbai ay bumuo ang grupo ng isang team na nag-ikot sa siyudad at kumuha ng litrato ng mga lansangan doon. Upang masiguradong walang lubak na nadoble ang bilang ay nagtalaga rin sila ng tagasuri sa mga litrato. Inabot sila ng 38 araw bago nila mabilang ang lahat ng lubak.
Tatlong tagapagtala na ng iba’t ibang world records ang kanilang nilapitan at bagama’t pumayag na ang dalawa sa mga ito na gumawa ng bagong kategorya para sa pinakamalubak na siyudad sa mundo ay tinanggihan naman sila ng Guinness World Records, na ayaw ng world records na para sa kanila ay may bahid ng pulitika.