KUNG hindi pa napatay si Tanauan City Mayor Antonio Halili, General Tinio Mayor Ferdinand Bote at Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan, hindi pa mag-iisyu ang Philippine National Police (PNP) na lipulin ang hired guns at buwagin ang private army ng mga pulitiko. Kung kailan marami nang napatay, saka lamang maghihigpit. Kung noon pa isinagawa ng PNP ang pagsamsam sa mga hindi lisensiyadong baril, baka hindi naganap o napigilan ang mga pagpatay.
Ngayon, sabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde, kabi-kabilang checkpoint ang kanilang ilalatag para mahuli ang mga upahang kriminal. Palalawakin din umano ng PNP ang intelligence operations. Tututukan din umano ang 78 private armed groups sa bansa. Ang paglalatag ng checkpoints para madakma ang mga hired killers ay preparasyon na rin para sa 2019 midterm elections.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang naaarestong suspects sa mga nangyaring patayan. Blanko pa rin sa killer ni Halili na binaril habang nagpa-flag ceremony noong Hulyo 2, 2018. Sabi lang ng PNP, maaaring paghihiganti ang motibo dahil maraming ipinahiya si Halili.
Wala pa ring nahuhuli sa killer ni Mayor Bote na pinagbabaril habang sakay ng SUV nito palabas sa gate ng NIA sa Cabanatuan.
Tanging sa pagkakapatay kay Vice Mayor Lubigan, nagbigay ng anggulong pulitika ang PNP. Tatakbo umanong mayor si Lubigan sa 2019 elections at malaki ang posibilidad na may kinalaman dito ang pagpatay.
Habang papalapit ang midterm elections, tiyak na darami pa ang krimen na may kinalaman sa pulitika. Sasamantalahin ito ng mga magkakalaban sa partido. Sasakay sa anggulong droga para hindi mapaghinalaan.
Nararapat kumilos ang PNP sa pagsamsam sa loose firearms at buwagin ang private armies. Kung hindi ito magagawa, marami pa ang bubulagta at dadami ang problema ng bansa.