GAANO kaya katotoo ang balita na si Sr. Supt. Kirby John Kraft, Laguna police chief, ang mismong nasa likod ng bookies ng Small Town Lottery (STL) sa kanyang hurisdiksiyon? Sabi ng mga kosa ko, ang balita sa Calabarzon at Camp Crame, si Kraft at bata nito na si PO3 Gregorio Oruga ang nagpapalaro ng STL bookies at karibal ng mga ito sina Don Ramon Preza, mayor ng Tiaong, Quezon at mga Amante, na mga STL operators. Papayag kaya sina Don Ramon at mga Amante na may kahati sila ng kubransa sa STL sa Laguna? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Sa totoo lang, mukhang naghihingalo na ang STL ng PCSO dahil halos lahat ng authorized agent nila ay hindi nagbabayad ng tinatawag na Presumptive Monthly Revenue Receipt (PMRR) kaya nalulugi na ang gobyerno. Halos lahat ng authorized agent ay nagbo-bookies na lang ng kanilang STL gamit ang ID ng PCSO kaya hindi sila mahuli-huli ng mga pulis, di ba PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde Sir? Hak hak hak! Kaya maraming authorized agents ang nagbebenta ng kanilang STL kaya ‘wag n’yo patulan mga kosa dahil tiyak milyon ang lugi n’yo. Tumpak!
Nagsimula ang delubyo ni Kraft nang magsagawa ng raid sa opisina si Supt. Serafin Petalio, intelligence officer ng Calabarzon police, laban sa pasugalan sa Laguna. Ang balita, nagalit si Kraft kay Petalio at sinabihan na dapat magpaalam o makipag-coordinate muna sa kanya bago magsagawa ng illegal gambling campaign sa area niya. Si Petalio mga kosa ay dating hepe ng Antipolo police na nasibak dahil sa hindi niya pagsawata ng patayan at iba pang krimen sa siyudad ni Mayor Junjun Ynares. Napaganda pa ang kanyang puwesto dahil siya lang ang may schooling sa intelligence kaya naging R2 siya ng Calabarzon police. Siyempre, parang naipit sa dalawang nag-uumpugang bato si Petalio dahil ang raid sa pasugalan ay iniutos ni Chief Supt. Ted Carranza, Calabarzon police director. Sinabi ng mga kosa ko sa Calabarzon na ang mga nag-ooperate ng STL bookies sa Laguna ay hindi lamang sina Don Ramon at mga Amante kundi pati na sina Boyet at Mario, lalo na sa Los Baños. Hindi naman naniniwala si kosang Paul Gutierrez na sangkot si Kraft sa bookies ng STL sa Laguna. Ilang dekada rin kasing nagkober ng Calabarzon si kosang Paul kaya alam ang sinasabi. Pero iginigiit ng mga kosa ko na maliban kay Oruga, may dalawa pang tong kolektor si Kraft -- sina PO2 Albuera at PO1 Larua. Kaya pala nagsulputan ang mga peryahan sa Laguna e dahil nag-aalaga pa ng tong kolekor si Kraft, ano mga kosa? Sa tingin ko naman kalakaran na ang tong collection sa PNP. Sino ba ang hepe ng pulisya na walang kolektor? Boom Panes!
Sinabi rin ng mga kosa ko sa Laguna na baka napagkamalan lang si Kraft dahil may isang pang opisyal ng pulis -- si Ebora, ang nagpapatakbo ng STL bookies doon. Si Ebora ay itinapon na sa MIMAROPA at ang nagpapatakbo ngayon ng STL bookies niya ay si alyas Barreto, na isang AWOL na pulis. Ang kubransa ni Ebora at Barreto ay P1.1 milyon kada araw at nakatimbre siya sa mga unit ng PNP. Hak hak hak! Dapat habulin ni Kraft ang bookies ng STL ni Ebora para malinis ang pangalan niya sa paningin ni Albayalde!
Sa pagkaalam ko, iniutos na ni Albayalde na i-validate ang report ukol sa pagkasangkot ni Kraft sa STL bookies. Kapag naging totoo ito, tiyak relieve siya sa puwesto at maapektuhan ang career pattern niya dahil nitong nakaraang Abril lang siya naupo. Baka naman ginagawan lang ng kuwento ng detractors niya si Kraft para ma-relieve? Puwede, di ba mga kosa? Abangan!