PURO trabaho ang nasa isip ni Chief Supt. Rolando Anduyan nang lumapag noong Martes sa Manila Police District (MPD). Kaya sa unang command conference matapos ang assumption of office sa MPD, ang unang marching orders niya sa kanyang command staff, station commanders at hepe ng iba pang mga unit ay trabaho, trabaho, trabaho at trabaho pa. Nais suklian ni Anduyan ang tiwala na ibinigay sa kanya ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde nang iupo siya sa MPD. Sa totoo lang, the bright and brightest lang na maituring sa mga naupo sa MPD at napabilang na sa hanay nila si Anduyan, na tinaguriang hero ng Marawi siege dahil sa pagpatay ng tropa niya kay Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon at Maute brothers. Kaya sa mga opisyales ng MPD, hindi nagbibiro si Anduyan dahil tiyak ang mga hindi nagtatrabaho ay dadamputin sa kangkungan. Kung nasanay ang station comman-ders at iba pang hepe ng support units sa MPD na magpadulas sa mga hepe nila, aba ibahin nila si Anduyan dahil ayaw nitong magkaroon ng utang na loob sa kanila para mapalo sila sa puwet kapag nagkamali. Boom Panes! Get’s n’yo mga kosa? Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ang tututukan ng taga-MPD ay ang problema sa droga at kriminalidad. Kapag tahimik at walang krimen na kasi ang Maynila, makakatulong ito sa programa ni Mayor Erap Estrada na ibalik ang dating sigla ng siyudad niya. Naka-dalawang term na si Erap subalit mukhang hindi pa nasisimulan ang programang iaahon sa putikan ang Maynila, di ba mga kosa? Ang kautusan ni Anduyan ay para i-review ang watchlist ng drug personalities ng pulisya sa tulong ng barangay officials. Ang mga naturingang drug pusher at adik ay itotokhang o kakausapin para ihinto na ang illegal na aktibidades nila. Ang mga hihinto ay buburahin ang pangalan sa watchlist samantalang ang ayaw ay isasailalim sa anti-drug operation. Malinaw na ba sa inyo mga kosa? Nilinaw ni Anduyan na ang kautusan nina Albayalde at NCRPO director Chief Supt. Guilermo Eleazar ay dapat walang patayan na magaganap sa mga anti-drug operations. Subalit kapag lumaban na ang drug pushers at adik, aba nilinaw ni Albayalde na may karapatan naman ang mga pulis na gumanti ng putok. Get’s n’yo nga kosa? Hak hak hak! Ayaw na talaga ng PNP na pumatay dahil maingay ang social media kapag nakadale sila kaya’t kayong mga drug pusher at users ‘wag lumaban ha? Trabaho lang si Anduyan at walang personalan! Tumpak!
Para patunayan na hindi naman pumatay ang nasa isipan nila tuwing may anti-drug operations, ibinigay ni Albayalde bilang halimbawa ang kaso ni Angelito Avenido Jr., alyas Moymoy, ang prime suspect sa pagpatay kay Madonna Joy Ednaco-Tanyag, ang abogado ng Ombudsman sa Quezon City. Ayon kay Albayalde, nag-resist si Avenido nang arestuhin ng mga tauhan ni Chief Supt. Joselito Esquivel, director ng QCPD, subalit nabuhay naman siya dahil hindi armado at kusang sumama sa pulisya. Ayon kay Albayalde, nasa impluwensiya ng shabu si Avenido nang isagawa ang krimen. Nabuhay si Avenido kahit inulan ng komento sa social media na hindi na siya dapat mabuhay dahil sa pagpatay kay Tanyag, na limang buwang buntis. Marami ang naawa kay Tanyag at mabuti na lang at plain robbery lang ang motibo ng kaso at hindi related sa trabaho ng biktima sa Ombudsman. Maliwanag na mga kosa? Ayaw nang pumatay ng mga pulis kaya ‘wag silang pilitin.
Iniutos din ni Anduyan sa kanyang mga tauhan na dapat alinsunod sa alituntunin ng Commission on Human Rights (CHR) ang anti-drug operations para mawala ang alingasngas sa social media. Talo kasi ang PNP sa mga komento sa social media kapag may patayan tuwing anti-drug operations kaya dapat nang tuldukan ito, di ba mga kosa? Abangan!