Walang masamang tinapay

WALANG masamang tinapay kay Tiyo Igme. Optimista. Siya ang taong laging naniniwala na magiging mabuti ang lahat. Walong sunud-sunod na taon nanganganak ang kanyang misis. Nang mabuntis muli ang misis nito sa ika-siyam na pagkakataon ay maraming kamag-anak ang bumatikos dito.

“Aba! Ay talaga namang walang kahilig-hilig ang mag-asawang ito, ah!” sabi ng isang tiyahin sa tipikal na puntong Laguna.

“Masaya ang maraming anak, marami ang mag-aalaga sa aming mag-asawa pagtanda namin.”

Nang tumakbo itong Kapitan del Baryo (iyan ang tawag noong araw sa Barangay Chairman) ay pinaalalahanan siya ng kanyang mga kapatid. Tutol ang lahat sa kanyang pagtakbo.

“Wala kang pera. Wala kang college degree. Paano mo pamumunuan ang ating baryo?”

“Pero may puso ako at gumagana ang aking utak. Iyon ang gagamitin ko para patakbuhin ang baryong ito.”

Akalain mo, nanalo sa eleksiyon ang tiyo kong ito. Hindi man siya ang pinakamagaling, siya’y itinuturing na isa sa magaling na namuno sa aming baryo.

Naroon pa rin ang pagiging optimista kahit sa huling oras na ng kanyang buhay. Bigla siyang inatake sa puso sa kalagitnaan ng pagdiriwang ng pista sa aming baryo.

“Kung bakit kasi nilantakan mo nang walang patumangga yung lechon ulo!,” umiiyak na sabi ng kanyang misis.

“Ang tao kahit anong pag-iingat ang gawin ay namamatay sa oras na itinakda ng Diyos. Buti nga, nakakain pa ako ng aking paboritong litson bago mamatay,” nakangiting sagot ni Tiyo Igme sa asawa.

Iyon na ang huling pag-uusap ng mag-asawa. Dahan-dahang ipinikit ni Tiyo ang kanyang mga mata dala ang kasiyahang natikman niya ang paboritong pagkain bago makipagkita kay Lord.

Show comments