Ang mababait kapag ginalit…

(Last Part)

 

MULA sa liwanag ng tail light na aming sasakyan, nakita kong nagpapanting na ang mukha ng aking panganay. Pigil na pigil ang galit. Palalampasin na sana namin ang pang-aasar pero nagparinig na naman sa amin: Ang angasss!!!

Hindi na ako nakatiis, nagsalita ako nang malakas. Mga bata pa ito, halos kasingtanda ng aking mga anak.

Kanina pa kayo,…. Inaano ba namin kayo, ha?

Iyon na ang naging go signal ng aking anak na pakawalan ang kumukulo niyang galit kanina pa.  Ang tahimik pala kapag nagalit, ang boses nito ay nagiging kasinglakas ng pinagsamang kulog at kidlat.

Put….na n’yo! Ano ba ang problema ninyo? sigaw ng aking anak

Huwag kang magmura. Baka hindi mo alam kung sino ako, sagot ng lalaking nasa driver’s seat.

Put…ina mo, bumaba ka diyan sa sasakyan mo, dito ka magpakilala sa harapan ko. Put…ina mo!  nadama kong sagad hanggang buto ang galit ng anak ko.

Sumagot-sagot pa ang lalaking nasa driver’s seat pero hindi makababa sa kanyang sasakyan at humina na ang boses. Nakakapit pa ang isang kamay sa manibela. Lalong umulan ng “mura” nang sumali na rin sa away ang aking bunso at asawa. Isang buong pamil­ya kami na rumatrat ng mura sa lalaking nasa driver’s seat. Kaya lalong lumakas ang tensiyon. Naglabasan na ang mga kapitbahay. Isang ka-close naming kapitbahay ang nakita kong inikut-ikutan ang kaaway namin. Parang nakikiramdam at handa siyang sumaklolo sa aming mag-anak. Nadama siguro na  binatang anak ng kapitbahay na wala silang kakampi. Bigla itong bumaba sa sasakyan at lumapit sa aming harapan.

Pasensiya na po. Bisita ko po siya.

Anong klaseng bisita ‘yan ? Nang-aaway ng kapitbahay ng kanyang binibisita ! Ang kapal ng mukhang mam-bully, hindi naman pala tagarito! Kinunsinti mo kasi ang pambabastos sa amin. Wala kang kakibo-kibo kanina, tapos ngayong lumaban kami, hihingi-hingi ka ng pasensiya! Ipokrito! sagot ko

Pagsabihan mo naman ang bisita mo! At proteksiyunan mo rin ang kapitbahay mo kung wala naman silang ginagawang masama sa inyo! sabi naman ng aking mister

Taga-saan ba ang taong ‘yun? Ibigay mo ang pangalan ng bisita mong iyan! sabi ng aking anak. Noong una’y ayaw ibigay ang pangalan pero napilitan din nang sabihin kong ipapa-barangay ko sila. Ang huli kong salita sa aming kapitbahay:

Twenty eight years na kami dito sa lugar na ito pero wala kaming nakakaaway na kapitbahay. Ikaw lang at yung bwisita mo!

Habang sinisita namin ang aming kapitbahay, sinamantala ito ng lalaki at pinasibad ang kanyang sasakyan. Kumaripas nang takbo ang aming kaaway. Ang akala siguro ng aming kapitbahay ay palalampasin namin  ang pang-aasar ng barkada niya dahil tahimik lang kaming mga tao. May away na pinagpapasensiyahan pero mayroon din kailangang patulan. Bagay na bagay sa nangyari sa amin ang dayalog ni Gretchen Barretto sa teleseryeng Magkaribal: You want war? I’ll give you war.

Humingi rin ng paumanhin ang ama ng kapitbahay namin na nasaksihan ang pambu-bully sa amin pero walang ginawa at nanonood lang.  Isa ka pang ipokrito! maikli kong sagot.

Show comments