Pekeng US Embassy, nabisto sa Ghana

HINDI lamang mga produkto ang napepeke ngayon dahil pati embassy ay mayroon na ring “fake”.

Ito ang natuklasan kamakailan ng mga kinauukulan sa Ghana nang mabisto nila na may nag-o-operate na pekeng United States Embassy sa mismong capital nila na Accra.

Ipinasara na ang “fake’’ na US Embassy matapos itong salakayin ng pinagsamang puwersa mula sa totoong US embassy at mga awtoridad sa Ghana.

Parang totoong embassy ang gusaling sinalakay ng mga operatiba. Mayroon pang bandila ng US sa harap ng building at matatagpuan pa ang larawan ni US President Barack Obama sa loob nito.

Nabisto lamang ang pekeng embassy nang may magbigay ng tip sa mga staff ng totoong US embassy na nasa Accra rin.

Ayon sa US State Department, pinapatakbo ang pekeng embassy ng mga sindikato at ng isang Ghanaian attorney na bihasa sa immigration.

Sampung taon nang nag-o-operate ang pekeng embassy na nag i-issue ng mga pekeng dokumento katulad ng mga pekeng pasaporte at US visa.

Sinasabing umaabot sa $6,000 ang kinikita ng mga nagpapatakbo ng pekeng embassy sa bawat transaksyon.

Tatlong katao ang inaresto ayon sa Ghanaian police.

Show comments