Ilang araw na nakahinga ng maluwag ang mga motorista sa maluwag na trapik nasa mga lansangan sa Metro Manila partikular sa kahabaan ng EDSA.
Aba’y ang sarap talagang bumiyahe na hindi mo masusumpungan na punong- puno ng mga sasakyan ang EDSA na nagmimistulang malaking parking lot.
Pero ngayon, sigurado balik na naman sa normal o trapik sa lansangan ang muling mararanasan.
Balik trabaho at eskuwela na ang marami nating mga kababayan kaya humanda na uli sa kalbaryo sa mga daan.
Matagal nang hinihintay ng ating mga kababayan na maisaayos ang matinding trapik lalo na nga sa Kalakhang Maynila kaya nga kung anu-ano nang paraan ang ipinatutupad at nais pang ipatupad maibsan man lang kahit bahagya ang pagsisikip ng lansangan, pero mukhang bigo pa rin.
Lalu na nga ngayong holiday season na kung saan inaasahan pa ang lalong pagtindi ng trapik.
Sisimulan na rin ngayon ang pinalawig o pinalawak pa na ‘no window’ policy sa number coding. Masusubukan kung uubra ito o magiging epektibo.
Ngayong Nobyembre rin sisimulan na ang ‘no weekday’ sale sa mga mall, bukod pa ang mga rekomendasyon na pagbabago sa oras sa kanilang opening at closing.
Pero, ewan lang kung kailan ipapatupad ang moratorium sa mga paghuhukay sa lansangan. Ngayon nga lang sangkaterbang hukay at konstruksyon na hindi na matapos-tapos ang nasusumpungan sa maraming lansangan na talagang sagabal sa daan.
May nagrerekomenda pa na agahan na lang daw ang bigay ng bonus sa mga manggagawa para maaga nang makapamili ang mga ito at hindi na sumabay sa ‘holiday rush’ at makadagdag sa masikip na dalot ng trapiko.
Anu’t-anuman, payo ng inyong Responde magbaon palagi ng mahabang pasensya sa mga susunod na araw dahil kung ano ang nararanasang trapik ngayon siguradong lalala pa.