Medal of Valor sa lahat ng SAF 44
MARAMING nagtatanong bakit dalawa lang sa 44 na PNP-Special Action Force (SAF) ang ginawaran ng pinakamataas na parangal o medal of valor.
Sa ginawang seremonyas kahapon sa Camp Crame na pinangunahan mismo ni Pres. Noynoy Aquino, dalawa lamang ang nabigyan ng medal of valor -- sina PO2 Romeo Cembron at Chief Insp. Gednat Tabdi.
Natural lang na sumama ang loob ng iba pang pamilya ng 42 SAF troopers na namatay sa Mamasapano noong Enero 25, 2015.
Hindi malinaw ang naging batayan sa pagpili kina Tabdi at Cebron na para bang sila lang ang lumaban hanggang sa mamatay at ang 42 kasama ay nag-suicide lang.
Dapat sana, lahat ng SAF 44 ang ginawaran ng medal of valor dahil kung tutuusin, walang katapat na medalya o salapi ang pagkamatay ng isang tao.
Kahit pa bigyan ng napakaraming salapi ang mga biyuda o naiwang pamilya ng SAF 44 hindi na maibabalik ang buhay na nawala.
Bagamat may sinasabing sinusunod na panuntunan sa pagpili sa gagawaran ng medal of valor kung lahat nang SAF 44 ang nabigyan, marahil wala namang magrereklamo at kukuwestiyon.
Baka nga umani pa ng papuri ang Aquino administration kung lahat nang SAF 44 ang nagawaran ng medal of valor.
Pero dahil dalawa sa 44 SAF commandos lang ang nabigyan ng pinakamataas na parangal, asahan na masama ang loob ng iba pang pamilya.
Hindi rin dapat ipangalandakan ng liderato ng PNP na napakarami na silang naibigay na tulong pinansiyal sa mga pamilya ng SAF 44 dahil kung tuusin, hindi ito sapat kapalit ng pagbubuwis ng buhay.
Mas makakabuting ibigay na lang ng tahimik ng PNP ang lahat ng benepisyo at kung matupad ito ay mismong ang mga pamilya ang magsasalita upang magpasalamat at ibida ang husay at malasakit ng gobyerno.
- Latest