High-tech na tinidor mula sa Japan, nagagawang mas malasa ang pagkain

ISANG high-tech na tinidor mula sa Japan ang kayang ibahin ang lasa ng pagkaing nakatusok dito. Ang tinidor ay gawa ng mga mananaliksik mula sa Meiji University at ayon sa kanila ay kaya ng kanilang tinidor na gawing mas malasa ang kahit anong pagkain kahit hindi pa lagyan ito ng asin.

Gumagana ang kakaibang tinidor na ito sa pamamagitan ng taglay nitong napakahinang boltahe ng kuryente. Dahil sa mahinang kuryente na mula sa tinidor ay magkakaroon ng chemical reaction sa pagkaing nakatusok sa tinidor kaya nag-iiba ang lasa nito.

 

Hindi naman daw mapanganib ang paggamit ng kanilang naimbentong tinidor ayon sa isa sa mga gumawa nito na si Hiromi Nakamura. Napakahina kasi ng kuryenteng dumadaloy sa tinidor kaya hindi ito makakasakit. Kusa rin itong namamatay matapos matusok ang pagkain kaya wala nang kuryenteng dumadaloy sa tinidor kapag isusubo na ang pagkaing nakatusok.

Ayon sa mga nag-imbento ng tinidor, malaki ang maitutulong ng kanilang imbensyon sa mga taong umiiwas sa mga pagkaing maaalat dahil hindi na nila kailangang lagyan pa ng asin ang kanilang mga lutuin. Kailangan lang nilang gamitin ang tinidor at siguradong magkakalasa na ang kanilang kinakain.

Matapos ang ka­nilang tagumpay sa kanilang naimbentong tinidor ay plano naman ng grupo ni Nakamura na gumawa rin ng isang pares ng chopstick na gumagamit din ng kuryente upang mabigyang lasa ang pagkain.

Show comments