Mahigit na sa 250 katao ang nasampolan at naaresto matapos pasimulang ipatupad ang gun ban kaugnay sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Ang gun ban ay magugunitang sinimulan noong Enero 10 at tatagal hanggang Hunyo 8 ng kasalukuyang taon.
Sa naturang bilang mahigit sa 230 ay mga sibilyan, may 2 pulis at nasa tatlo ang mga halal na opisyal ng pamahalaan at iba pa.
Umabot naman sa mahigit 150 na armas ang nasamsam, meron pang mga granada, mga bala at replica ng mga baril.
Ito ay sa kabila na matagal nang nakapagbigay ng impormasyon ang mga kinauukulan patungkol sa gun ban.
Kaugnay nito, masigasig at tutok si PNP-Criminal Investigation and Detection Group chief, Director Victor Deona na palakasin ang kanilang kampanya laban sa mga partisan groups, loose firearms at mga organisadong grupo ng sindikato.
Ito nga ang pinatututukan sa CIDG para makatiyak sa payapa at maayos na halalan.
Habang papalapit kasi nang papalapit ang halalan, lalu na nga sa pagsisimula ng kampanya sa susunod na buwan para sa nasyunal at Marso para sa lokal, dyan na malamang magkaroon ng mga iringan.
Siyempre kanya-kanya nang kampanya ang mga kandidato hindi malayong sa kanilang pangangampanya ay magkasalubong sa kalye ang magkakalabang grupo.
Ang nakakaalarma ay kung ang kanya-kanyang supporters o alalay ng mga yan ay mga de-boga.
Dyan nagsisimula ang mga naitatalang election related violence.
Kaya nga ngayon pa lang dapat na talagang masinop ang mga nakakalat na armas.