Tigre sa Russia, naging kaibigan ang kambing na sana’y ipakakain sa kanya

NAMANGHA ang mga staff ng isang zoo sa Vladivostok, Russia matapos kaibiganin ng isang Siberian tiger ang kambing na sana’y ipakakain sa kanya. Mas lalo pang namangha ang mga tao dahil ilang buwan na ang nakakalipas ay hindi pa rin nilalapa ng tigre ang kanyang kaibigan at sa halip ay nananatili pa rin ang pagkakaibigan ng dalawa.

Kakaiba ang pakikipagkaibigan ng 3 taong gulang na Siberian tiger na si Amur sa kanyang sana’y pagkain dahil kahit kailan naman ay hindi ito nagpakita ng awa sa mga hayop na ipinakakain sa kanya. Kadalasan pa nga ay napakabilis ng pagkitil niya sa buhay ng mga ito.

Ngunit naging kakaiba ang pakikitungo ni Amur sa kambing na ipinasok sa kanya noong nakaraang Nobyembre. Hindi kasi katulad ng ibang hayop ang kambing. Kung ang iba ay nagtatakbo sa palibot ng hawla pagkakita kay Amur, ang kambing ay nanatili sa kinatatayuan nito ng hindi man lang nagpakita ng kahit katiting na takot. Nang hindi siya lapain ay itinuring naman ng kambing ang tigre bilang isang nakakatandang kapatid.

Ang kombinasyon raw ng respeto sa tigre kasabay ng hindi pagpapakita ng takot ang maaring nagtulak kay Amur para hindi nito kainin ang kambing, ayon sa mga nangangalaga sa tigre.

Ngayon ay nananatiling magkaibigan si Amur at ang kambing na pinangalanang Timur. Madalas maglaro ng taguan ang dalawa at minsan pa nga ay nagsasalo pa sila sa pag-inom ng tubig. Tumatayo na rin ngayong tagapagtanggol ng kambing si Amur dahil minsan na nitong itinaboy ang mga staff ng zoo na magpapakain sana kay Timur. Kampante na rin ang kambing sa piling ng tigre at parang mas takot pa nga itong lumapit sa mga tao.

Kaya naman minabuti na lang ng mga namamahala ng Primorsky Safari Park na huwag na lang paghiwalayin ang dalawa. Kung ginusto raw kasing kainin ng tigre ang kambing ay dati na nitong ginawa kaya malaki ang tiwala nilang hindi na lalapain ni Amur ang bagong kaibigan nito.

Show comments