UPANG makapang-akit ng maraming mamimili ay nag-isip ang dalawang panadero sa France ng isang kakaibang gimik na siguradong magpapalakas ng kanilang benta.
Naisipan ng mga panaderong si Nicolas Lelutat, 35, ang kanyang si Julie, 30 na magtago ng tig-isang diyamante sa magkahiwalay na tinapay. Kaya naman inaasahan nilang dadagsain ang kanilang dalawang bakery kung saan ihahalo nila ang dalawang tinapay na may nakatagong diyamante sa 800 iba pang tinapay na kanila ring ipagbebenta. Kung susumahin ay may .25 porsiyentong tsansa ang bawat mamimili na makuha ang isa sa mga tinapay na may diyamante.
Hindi naman kailangang mag-alala ng mga bibili ng tinapay mula sa bakery ng mga Lelut na baka nila makain ang maliliit na diyamante dahil hindi naman totoong diyamante ang inihalo sa tinapay. Makikita agad nila ang nakahalong “diyamante” dahil malalaking plastic na hugis diyamante lang ang kanilang inilagay sa dalawang tinapay. Ang malaking plastic na diyamanteng ito ang kailangang dalhin sa bakery ng mag-asawang Lelut upang ipalit sa totoong .20-carat na diyamante na nagkakahalaga ng $900 (katumbas ng higit sa P42,000).
Si Julie ang nakaisip ng kakaibang gimik na ito nang minsang nakikipagkuwentuhan siya sa kanyang hairdresser ukol sa mga diyamante. Naisip niyang papatok ang paglalagay ng diyamante sa kanilang mga tinapay at tiyak na maeengganyo nito ang mga publiko, lalo na ang mga kababaihan, na bumili ng mga tinapay mula sa kanilang bagong bukas na panaderya.