‘Lima’t kalahating taon’

MATATAPOS na ang anim na taon. Termino ng kasalukuyang administrasyon na mag-iiwan ng iba’t ibang tatak sa isipan ng tao.

Nangunguna ang hindi pa rin matapos-tapos na problema sa MRT3. Simbulo ng kapabayaan ng administrasyon.

Ang ahensyang nangangasiwa, ang Department of Transportation and Communication (DOTC), mukha ng kawalang-pakialam, manhid, makasarili, nakakaloko. Kung maaari lang sabihin, manloloko at mga kapalmuks.

Lahat ng ito, nasa ilalim ng pangangasiwa ni Sec. Joseph Abaya. Ang departamento na saksakan ng anomalya at korupsyon.

Isa rin sa mga napabayaan ng kasalukuyang administrasyon ang sektor ng Agrikultura. Sa lahat ng sektor sa pamahalaan ito ang pinaka-kawawa.

Nakakabahala na lumiliit ang bilang ng mga kabataang kumukuha ng agricultural courses sa mga unibersidad.

Maikukunsidera itong naglalaho kung saan ang mga magsasakang literal na ‘hampas-lupa’ matatanda na. Ang kanilang mga anak, nawawalan na rin ng interes na magsaka.

Sa halip kasi na hikayatin ng gobyerno ang mga magsasaka, bigyan ng ayuda at suporta, mas pabor pa ito sa importasyon.

Kulang nalang kontratahin at i-prayoridad ang mga dayuhang magsasaka para sila ang magpakain sa mga sikmura ng bawat Pilipino.

Isa rin sa mga dapat pagtuunan ng pansin ang reporma sa kasalukuyang criminal justice system.Dapat mabigyan ng atensyon ang lumalalang kriminalidad sa bansa.

Ilan lamang sa mga dapat tutukan ng susunod na mamumuno ang mga sektor ng transportasyon, agrikultura at justice system.

Sa eleksyon magkakaalaman kung natuto na ang taumbayan.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

Show comments