TINATAYANG nasa 8 milyong tonelada ng basura ang palutang-lutang sa ating mga karagatan. Sa sobrang dami ng mga ito ay kayang punuin ng mga basura mula sa karagatan ang mga baybayin sa buong mundo.
Kaya naman maaring malaki ang maitutulong ng imbensyon ng magkaibigang surfers mula Australia na sina Peter Ceglinski at Andrew Turton sa paglilinis ng ating mga karagatan. Inimbento kasi nila ang Seabin, isang vacuum cleaner na humihigop ng mga basurang palutang-lutang sa tubig.
Ang Seabin ay binubuo ng isang balde na nakalubog sa tubig at nakadikit sa isang mahabang tubo na maaring umabot hanggang sa pampang. Ang tubo naman ay naka-kabit sa isang bomba na humihigop ng tubig. Mahihigop ang tubig sa loob ng balde samantalang ang mga basura na matatangay ay sasaluhin ng isang net na nasa loob rin ng balde. Ibubuga ng bomba ang tubig na nahigop pabalik sa karagatan samantalang ang mga basura ay mananatili sa loob ng balde kung saan maiipon ang lahat ng basurang mahihigop ng Seabin. Kapag napuno ang balde ay saka tatanggalin ang mga naipong basura na itatapon sa tamang pagtapunan ng mga ito.
Inimbento ng magkaibigan ang Seabin dahil sa labis nilang pagmamahal sa karagatan. Mahilig kasi sila sa surfing kaya nanlulumo sila kapag nakakakita sila ng mga basurang pakalat-kalat sa mga dagat kung saan sila nagsu-surf.
Malaki ang maitutulong ng Seabin sa mga pier at marina kung saan madalas inaanod at naiipon ang maraming basura lalo na pagkatapos ng matitinding bagyo at unos. May kamahalan ang Seabin sa presyo nitong $3,825 o katumbas ng halos P180,000. Balak ng magkaibigang Peter at Andrew na simulan ang pagbebenta ng kanilang naimbento ngayong 2016.