Ilang araw bago pa man ipagdiwang ang Bagong Taon marami na ang naitatalang bilang ng mga nagiging biktima ng paputok at indiscriminate firing.
Ito ay sa kabila ng kampanya at mga matinding babala ng DOH at ng mga awtoridad ukol dito.
Sa rekord ng PNP, ngayon pa lamang anim na ang sinasabing biktima ng stray bullet .
Ayon naman sa DOH, mahigit na sa 50 ang nasugatan dahil sa paputok.
Inaasahan na habang papalapit ang pagdiriwang ng New Year ay patuloy pang tataas ang bilang nito.
Ngayon pa lamang makikita nang dinadagsa ng marami ang mga bilihan ng paputok, lalu na sa Bocaue sa Bulacan. Maiwasan na sanang bilhin ang mga ilegal at mapanganib na paputok para na rin sa inyong kaligtasan.
Sa panig naman ng Bureau of Fire, isinusulong nila ang total ban sa paputok ngayong Bagong Taon.
Ito ay dahil na rin sa pangambang maging sanhi ng sunog ang mga naglalakasang paputok na ito.
Sa tala kasi sa nakaraan, tuwing ipagdiriwang ang Bagong Taon sya namang pagsiklab ng mga sunog sa ibat - ibang lugar na ang pinagmulan nga ay mga paputok o firecrackers.
Marami talaga ang pasaway, kaya nga maagang nadidisgrasya.
Pero ang talagang mas nakakatakot ay ang mga ligaw na bala.
Sa indiscrimante firing ang walang kamalay-malay na biktima ang posibleng sumalo sa balang pinakawalan ng iba.
Ito ang mas dapat na matutukan ng mga awtoridad, sana wala nang mabuwis na buhay sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ngayon pa lamang hangad na natin ang mapayapa at ligtas na New Year celebration.