DAPAT nang pag-isipan ng gobyerno ang pagpapatupad ng total ban sa paputok upang maiwasan ang panganib dito.
Kahit anong paghihigpit pa ng mga otoridad sa paggamit ng paputok ay hindi maiiwasan na may makalusot na mahihinang klase na mapanganib sa mamamayan.
Kung magkakaroon ng total ban sa paggamit ng paputok at awtomatikong bawal na rin sa lahat na may pag-iingat nito at maituturing na iligal kahit pa magandang klase ito.
Sa pagdiriwang pa lang ng Pasko ay napakarami ng naging biktima ng paputok sa bansa batay sa talaan ng PNP at may ilang kaso na rin ng ligaw na bala.
Bagamat naging tradisyon na ng mga Pilipino ang paggamit ng paputok pero kung ito ay nagdudulot naman ng perwisyo sa publiko ay makakabuting iwaksi na ang tradisyong ito dahil iba na ang panahon.
Marami na ang naging biktima ng paputok at marami nang namatay o lubhang napinsala ang katawan. Ang pinakamatindi ay naging sanhi ito ng sunog na sumira nang maraming ari-arian at kumitil ng buhay.
Maari namang ipagpatuloy ang tradisyon sa isang makabagong pamamaraan tulad ng fireworks display na ang lokal na pamahalaan ang mangangasiwa at gagastos dito.
Kapag naipatupad ang total ban sa paputok ay makakatulong din ito sa usapin ng climate change dahil ang epekto ng paputok ay pollution.
Nauunawaan ko ang maapektuhang industriya ng paputok pero kakaunti lang naman ito at maaring sila ay magsakripisyo para sa ikabubuti ng maraming Pilipino.
Maraming maisasalbang buhay at ari arian kapag ipinatupad ang total ban sa paputok at dapat ikonsidera ito ng gobyerno.
Habang wala pang batas sa total ban sa paputok ay ipinapayo ko\ sa mga mamamayan na huwag nang bumili ng paputok bukod sa tipid sa gastos ay iwas sa disgrasya pa upang mas masaya nating salubungin ang pagpasok ng Bagong Taon.