IPINANGANAK ang 27-anyos na si Brian Tagalog ng walang braso kaya naman marami ang bumilib sa kanya nang siya ang maging kauna-unahang certified professional tattoo artist sa buong mundo na walang mga braso.
Ipinanganak si Brian sa Honolulu, Hawaii ngunit sa Tucson, Arizona na siya nakatira matapos lumipat ang kanyang pamilya doon noong siya ay bata pa. Matagal na niyang pinangarap maging tattoo artists simula nang makahiligan niya ang pagguhit. Kaya naman bata pa lang ay sinanay na niya ang kanyang sarili sa paggamit ng kanyang mga paa sa pagguhit. Nang niregaluhan siya ng kanyang tiyahin ng kanyang kauna-unahang tattoo gun ay naging bihasa rin siya sa paggamit nito sa pamamagitan ng kanyang mga paa.
Labing-isang taon nang certified na professional tattoo artist si Brian ngunit matagal bago niya nagamit ang kanyang kaalaman sa pagta-tattoo. Wala kasing gustong kumuha sa kanya bilang tattoo artist kaya minabuti na lang niyang magtayo ng sarili niyang tattoo shop kung saan siya ang boss.
Ngayon ay siya na ang nagmamay-ari at nagpapatakbo ng tattoo shop na “Tattoo by Foot” kung saan siya mismo ang nagta-tattoo sa mga customer gamit ang kanyang mga paa. Matagumpay ang kanyang tattoo shop dahil lahat nang kanyang naging kliyente ay kuntento sa kanyang naging serbisyo.
Nais ni Brian na magsilbing inspirasyon ang kanyang tagumpay para sa lahat na may minimithing pangarap dahil kung ang isang katulad niyang walang mga braso o kamay ay nagawang maging isang tattoo artist, kahit ano ay possible.