Ang ‘Style’ ni Tatay

KAHIT hindi ako pinagbawalan ng aking ama na huwag manigarilyo at magsugal, kusang umayaw ang aking utak na gawin ang mga bisyong nabanggit. Noong nasa elementarya ako, tuwing makikita naming magkakapatid na pumopormang magsindi si Tatay ng sigarilyo, nag-uunahan kaming magprisinta kung sino ang magsisindi. Nagsasapukan pa kaming magkapatid sa pag-uunahan.

“Itay, huwag mo munang sindihan, ako na ang magsisindi!”

“Bakit?”

“Gusto kong matutong magsindi.”

Hindi na iimik si Tatay. Iaabot sa akin ang sigarilyo at lighter. Naku, basang-basa na ang sigarilyo sa aking pagkakasubo ay hindi pa rin ako magtagumpay sa pagpapabaga ng dulo. Sa kauulit ng pagpiprisintang magsindi ng sigarilyo, isang araw ay nagtagumpay din ako! Tapos instruction ni Tatay, hithitin ko raw at ibuga para manatiling nakasindi. Paghithit ko, nahirinan ako ng usok. May pumasok sa lalamunan at sa ilong. Sunod-sunod ang ginawa kong pag-ubo. Hindi maganda sa pakiramdam. Naluha ako. Napatawa si Tatay, sabay sabi: O, di nadala ka na ? Mahirap manigarilyo ano ? Simula noon, hindi na ako nagpiprisinta na ipagsindi ng sigarilyo si Tatay. Hinding-hindi na ako humawak ng sigarilyo kahit kailan.

Nakikita ko ang mga matatandang kapitbahay na naglalaro ng pekwa. Ito ay card game na uso noong bata pa ako. Ito ay card game na kahanay ng tong-its. May playing cards kami sa bahay. Isang araw ay nagpaturo ako kay Tatay na maglaro ng pekwa. Pagkaraan ng ilang oras, marunong na ako. Nagkataong may naipon akong pera mula sa tinipid kong school allowance. Hinamon ko  ang aking tatay na mag-pekwa kami. Kumasa naman, pagkatapos kong sabihin na may pera akong pantaya.

Unang round, nanalo ako. Kumanta-kanta pa ako sa sobrang saya. Nadoble ang puhunan ko. Pero pinapadama lang pala ako ni Tatay. Sa bandang huli ay sinimot niya ang aking pera. Gusto kong sumumpong at bawiin ang pera pero sabi ni Tatay bago mag-umpisa ang game, “Usapang marangal, walang bawian.” Kahit 10 years old pa lang ako, gusto kong patunayan na marangal akong kausap. Kaso lungkot na lungkot ako sa nangyari dahil ang perang ipinatalo ko sa pekwa ay pambili ko ng wallet na matagal ko nang pinapangarap. Noon nabuo sa aking isipan na kalungkutan lang ang idudulot ng sugal sa buhay ng isang tao.

Hindi mahilig si Tatay na mangaral. Ipinauubaya na lang daw niya iyon sa mga pari. Iba ang istilo niya para matutuhan ko kung ano ang tama at mali. Hinayaan niyang gawin ko ang isang bagay para maranasan kung ano ang kalalabasan nito. ‘Yun mismong resulta ng ginawa ko ang nagbigay sa akin ng leksiyon. 

               

 

Show comments