10 bagay na makaka-‘relate’ ka lang, kung lumaki kang mahirap
1—Nakakaranas ka lang mag-aircon kapag nasa mall.
2—Inuulam sa kanin ang pansit at spaghetti.
3—Ang pinakamaliit na lata ng corned beef ay tinatambakan ng patatas para magkasya sa limang tao. Kung sinuwerteng may matira, ito ay gagawing torta para puwede na ulit ulamin ng limang tao.
4—Hindi mo nararanasang maligo sa bath tub, sa halip, ang bath tub mo ay malaking batya.
5—Sa halip na shower, tabo ang ginagamit. O, isasabit mo lang ang garden hose sa sampayan, tapos isasahod mo ang iyong ulo at mag-iimadyin na shower iyon. Minsan, uutuin mo ang iyong kapatid na hawakan ang lagadera (sprinkler), pupunuin ito ng tubig at itatapat sa iyong ulo. Presto! May shower ka na. Ang iyong paliligo ay may kasamang halakhakan. Masayang-masaya ka na ‘dun!
6—Nakakakain ng ham sa Pasko pero ito ay yung scrap. Mas mura kasi. Ang importante ay nalapatan ng ham ang dila.
7—Isa nang malaking pagdiriwang kung ang ulam ay tocino. Ang fried chicken ay inuulam lang kung may field trip.
8—Ang pagbo-blow ng candles sa birthday cake ay sa libro lang nakikita at nababasa. Hindi puwede sa TV, dahil wala kayong TV.
9—Ang sardinas ay kailangan pang utangin kung minsan sa tindahan. Sardinas lang, minsan, hihiyain ka pa ng iyong inuutangan.
10—Nagtataka ka kung bakit maraming hindi kinakain ang iyong ina—ayaw ng cake, ayaw ng porkchop, ayaw ng lahat ng pagkaing paborito mo. Kung may matitira ka, iyon lang ang kakainin niya.
- Latest