Mga paslit na nagsisisabit sa jeep, tutukan
Matagal na nating binibigyang pansin sa kolum na ito ang nagsusulputan na namang mga bata na namamalimos sa mga lansangan.
Hindi dahil sa nalalapit na holiday season kundi mukhang noon pa man talaga yatang namahay na sila sa mga lansangan. Isama pa rito ang hindi pagbibigay pansin dito ng ahensya ng pamahalaan partikular na nga ang DSWD.
Maliban sa panganib na kinakaharap ng mga batang ito na nagsisisabit sa mga tumatakbong sasakyan , ilag na rin dito ang marami dahil sa ang ilan ‘ front ‘ lang ang panghihingi pero kapag naka- tiyempo nanghahablot na ang mga ito ng mga gamit.
Ibig lang sabihin nasasangkot na sa mga kriminal na gawain. Mistulang binabalewala lang ito ng DSWD , ni wala tayong nababalitaang pag- aksyon nila ukol dito.
Baka naman hihintayin pa na may malalang mangyari bago ito tutukan at aksiyunan.
Pabata nang pabata ang mga palaboy sa lansangan na halos makikita araw- araw sa mga pangunahing lansangan lalu na sa Metro Manila na mistulang nakikipagpatentero sa mga tumatakbong sasakyan.
Sasabit kadalasan yan sa mga jeep at kadalasang nanghihingi sa mga pasahero , kahit tumatakbo pa amg sasakyan maglulundagan ang yan para lumipat ng panibahong sasakyan.
Kapag naaksidente sagutin pa yan ng mga driver.
Maging ang mga law enforcers o traffic enforcers na nakakakita sa mga ito nang harapan, eh mistulang walang pakialam. Dedma lang sila sa mga ito.
Ewan lang natin sa panahon ng APEC , baka doon ‘walisin’ ang palaboy sa lansangan baka magkaroon uli ng outing ang mga ito sa labas ng Maynila para itago lang sa mga darating ma head of states.
Bakit kasi, kailangang itago nang itago ang mga ito, at pagkatapos balik na naman sa lansangan, bakit hindi mag- isip ng pangmatagalang solusyon o programa para dito o kaya ay gawing regular at paigtingin ang pagbabantay sa lansangan para kahit papaano madala ang mga ito.
Ngayong papasok na ang holiday seasons asahan na lalong dadami ang mga palaboy at namamalimos na mga paslit , wag naman sanang mangyari na may madisgrasya bago pa ito tutukan at maaksiyunan
- Latest