EDITORYAL - Paigtingin pa ang police visibility

NAGKAROON ng aral ang mga miyembro ng Manila Police District (MPD) sa nangyaring madugong hostage drama noong Agosto 22, 2010 sa tapat ng Quirino Grandstand sa Luneta kung saan walong Hong Kong tourist ang napatay ng hostage taker. Isang pulis na nasibak sa serbisyo ang nanghostage. Hindi malaman ng MPD ang gagawin kung paano mapapasuko ang hostage taker. Hindi rin malaman ng mga SWAT kung paano papasukin ang bus. Inabot ng 10 oras ang hostage taking. Nagsimula ang pangho-hostage dakong alas nuwebe ng umaga at natapos ng alas otso ng gabi.

Ang pangyayaring iyon ay nagbigay ng aral sa MPD kaya nang may manghostage ng isang estud-yante sa isang bus noong Huwebes, agad nilang naresolba ang krisis. Nakaresponde agad ang MPD at napatay ang hostage taker. Sa loob lamang ng 30 minuto ay natapos na ang hostage taking. Ayon sa mga pulis, habang nakatutok ang patalim ng lalaki sa estudyante, sinamantala iyon ng isang pulis at binaril ang hostage taker nang masilip ito sa bintana. Bumulagta ang hostage taker at nabitiwan ang estudyante.

Mabilis ang pagresponde ng mga pulis at maayos ang kanilang plano para maresolba ang hostage crisis. Nagkaroon na sila ng leksiyon sa nangyaring hostage taking noong 2010. Namulat na sila at hindi na dapat maulit ang madugong pangyayari.

Totoong kapag alerto ang pulisya, madali silang nakagagawa ng hakbang para malutas ang anumang gusot. Kapag lagi silang handa at nagpapatrulya, madali silang nakakadalo sa anumang krimen at naililigtas ang mamamayan. Ngayong papalapit na ang Kapaskuhan, tiyak na maglilipana na naman ang mga masasamang loob para makapambiktima. Magkaroon pa nang matinding pagpapatrulya ang pulisya para mapigilan ang mga masasamang loob. Ipinangako ni PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez na laging magbabantay ang pulisya para walang makagawa ng krimen.

Show comments