MAY mga lalaking nagpunta sa aming kapitbahay. Namimili raw iyon ng mga antigong gamit. Ayon sa aking kapitbahay gustong bilhin ng mga lalaki ang antigong imahe ni San Antonio na may taas ng 4 feet. Sinulyapan ko ang imahe ng santo. Naalaala ko na. Iyon ang santo na iniwan ng dati naming kapitbahay sa basurahan isang araw ng 1990. Mula sa pagiging Katoliko, lumipat sila sa relihiyon na pinaniniwalaang kasalanan sa Diyos ang pag-iingat ng santo sa bahay.
Isang umaga iyon na nililinis ko ang aming bintana. Mula sa pagkakatayo ko sa pasamano ng bintana, kitang-kita ko na itinapon ng babaeng kapitbahay ang isang santo sa basurahang nasa tapat ng kanilang bahay. Nanghinayang ako. Mukhang maganda ang imahe. Malaki. Magandang idispley sa aking altar. Plano kong pulutin iyon kapag umalis na ang tao sa bahay. Kaso, hindi pa nakakalipas ang kinse minutos, isang kapitbahay ang napadaan at nakita ang imahen sa basurahan. Narinig kong tinawag nito ang pangalan ng may-ari ng santo.
“Aling Doray! Bakit mo itinapon si San Antonio?”
May sumagot pero hindi ko maintindihan.
Aling Doray, sa akin na lang si San Antonio!
Sige sa iyo na! narinig kong sagot ni Doray.
Kitang-kita ang kasiyahan sa mukha ng aking kapitbahay nang damputin sa basurahan si San Antonio. Nagpatumpik-tumpik pa kasi ako na kuhanin sa basurahan si San Antonio dahil asar ako kay Doray. Iniisnab ko na ito mula nang malaman kong sinisiraan ako. Hayun, naunahan tuloy ako ng kapitbahay. Ako dapat ang nagmamay-ari ng antigong santo.
Si Doray ay nakulong dahil sa malawakang estafa na kinasangkutan nito. Mahigit nang 20 taon siyang nakakulong. Ewan ko kung hanggang kailan siya sa kulungan. Ang sabi ng ilang kapitbahay, siguro’y nakarma ito sa pagtatapon ng santo sa basurahan.