NAKAAALARMA ang mga nabisto sa publiko dahil sa pelikulang “Heneral Luna”.
Nabisto ang kababaan ng kalidad ng edukasyon sa bansa lalo na ang may kinalaman sa kasaysayan ng ating mga bayani.
Akala ko ay biru-biro lang ang kumalat na usapin sa social media na ipinagtataka ng ilang mga estudyante sa kolehiyo kung bakit daw sa buong pelikula ay laging nakaupo si Epi Quizon na gumanap bilang bayaning si Apolinario Mabini.
Pero may mga nagtanong mismo sa aktor na si Epi Quizon kung bakit siya nakaupo at hindi man lang tumayo sa mga eksena.
Nakapanlulumong isipin na hindi na alam ng ilang mga estudyante ang tunay na kalagayan ni Mabini na isa itong lumpo.
Malinaw na itinuro naman sa lahat ng mga eskuwelahan ang kasaysayan ng mga bayaning nagbuwis ng buhay upang makamtan ang ating kasarinlan.
Dahil sa pelikulang “Heneral Luna”, nabisto na may mga estudyante ngayon na kulang ang kaalaman sa kasaysayan ng ating mga bayani.
Nalantad din na tila bagsak na ang kalidad sa edukasyon sa bansa samantalang ang kasaysayan ng bansa ay importanteng usapin para sa mga Pilipino.
Nararapat kumilos ang Department of Education at ang Commission on Higher Education para paigtingin ang kalidad ng pagtuturo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Kung hindi magiging kumpleto ang kaalaman ng mga kabataan sa mga ginawa ng ating mga bayani, paano sila maninindigan sa hinaharap para ipaglaban ang pagiging tunay na Pilipino.